Calendar
Lalaki nalambat sa P10.2M na shabu
ISANG drug suspek na may pag-iingat na P10.2 million na halaga ng shabu ang nadakip ng mga tauhan ng Police Regional Office (PRO)-5 sa isang buy-bust sa Daet, Camarines Norte noong Lunes, ayon kay PRO-5 director Brigadier General Andre P. Dizon.
Ang akusado ay nakilala sa alyas na Ed, 58-anyos na vendor mula sa Brgy. 667 sa Ermita, Manila.
Sinabi ni Brig. Gen. Dizon na nahuli ang suspek matapos ang ilang linggong surveillance na nagtapos sa isang entrapment sa loob ng food park sa Central Plaza Complex sa Purok 4, Brgy. Lag-on, Daet.
Sa kanyang ulat kay Philippine National Police chief, General Nicolas D. Torre III, sinabi ng opisyal na ang entrapment operation ay isinagawa ng mga operatiba ng Camarines Norte Provincial Drug Enforcement Unit at Daet Municipal Police Stationsa tulong ng Philippine Drug Enforcement Agency.
“Bago siya mahuli, mayroon na kaming mga natanggap na reports na ang suspek ay sangkot sa large-scale distribution ng shabu sa Bicol region,” sinabi ng PRO-5 director.
Ayon sa kanya, ang akusado ay gumagamit ng iba’t-ibang negosyo para pagtakpan ang kanyang iligal na aktibidades.
Ang akusado ay kasalukuyang nakapiit sa Daet police station at nahaharap sa mga non-bailable na mga kasong sale and possession ng iligal na droga sa ilalim ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).