Zambales

Lalaking nakamaskara pinaputukan bahay ng Zambales municipal secretary

Bernard Galang May 7, 2025
19 Views

PINAPUTUKAN ng isang lalaking nakamaskara noong Lunes ang bahay ng isang municipal secretary sa Palauig, Zambales.

Sa ulat kay PRO3 director Brig. Gen. Jean Fajardo, kinilala ng Zambales police ang may-ari ng bahay na si Glen, 59, municipal secretary ng mayor ng Masinloc, Zambales at residente ng Bgy. Salaza, Palauig, Zambales.

Sa inisyal na pagsisiyasat, bandang alas-10 ng gabi, nasa loob ng bahay ang pamilya Elayda nang makarinig sila ng sunud-sunod na putok ng baril sa labas ng bahay ngunit hindi nila ito pinansin.

Nang magising sila kinabukasan, nakita nilang may mga tama ng bala ang kanilang gate dahilan para ipaalam nila and pangyayari sa pulisya.

Sinabi ng isang kapitbahay sa pulisya na nakita niya ang isang lalaking nakasuot ng full mask sa isang motorsiklo na huminto sa tapat ng bahay ng biktima, pinaputukan ng ilang beses ang gate bago mabilis na tumakas.

Narekober ng pulisya sa lugar ang walong basyo ng .45 na baril at isang sulat na may itim na laso.

Inaalam na ngayon ng pulisya ang CCTV footage sa lugar para makilala ang gunman.