Calendar

Las Piñas General Hospital na proyekto ni Villar pinasinayahan na
PINASINAYAHAN ang bagong Las Piñas General Hospital and Satellite Trauma Center (LPGHSTC), ang isa sa mga proyektong tinutukan at isinulong ni House Deputy Speaker at Alyansa para sa Bagong Pilipinas (APBP) Senatorial Candidate Camille A. Villar.
Sabi ni Villar na napakahalaga aniya ang pagkakaroon ng isang maayos at “fully-equipped” na ospital at medical center gaya ng LPGHSTC na “accessible” para sa lahat ng mamamayan lalo na para sa mga mahihirap.
Paliwanag ni Villar na mahalaga din na ang government health service ay laging nakahanda para matiyak na maseserbisyuhan nito ang medikal na pangangailangan ng mamamayang Pilipino.
Ayon sa kaniya, responsibilidad ng pamahalaan ang pagpapatupad ng kalidad na mga health programs na tumutugon at magsisiguro ng kalusugan ng bawat pamilyang Pilipino.
Nabatid pa kay Villar na ang bagong patayong LPGHSTC ay mayroong 12 palapag, may state-of-the-art na medical facilities at tinatayang nasa 500 bed capacity para sa mga pasyente.
Ang konstruksiyon ng LPGHSTC ay nakapaloob sa mandato sa ilalim ng Republic Act No. 11497 na inakda ni Villar.