Laylo Si GM Laylo kasama sina Asia’s first GM Eugene Torre, NCFP official Red Dumuk, tournament director IA Ricky Navalta at iba pa.

Laylo namayani sa Sen. Pimentel Cup chessfest

Ed Andaya Jul 18, 2024
182 Views

Final standings:

7.5 points — D.Laylo, J. Gonzales.

7 — N. Geronimo, C. Caranyagan, R. Sto. Domingo, K. Llantada, M. Lomio, T.Cervero.

6.5 — J. Oriendo, J. Fajardo, E. Tendencia, R. Donasco, F. Paet, A. Magpusao

WALA ng iba kundi si World Chess Olympiad veteran GM Darwin Laylo.

Tulad ng inaasahan, nasungkit ni Laylo ang titulo sa Sen. Nene Pimentel Memorial Chess Tournament-Marikina Open, na hinanap sa Ayala Malls Feliz kamakailan.

Nagtala si Laylo ng 7.5 points matapos ang anim na panalo at tatlong tabla sa prestihiyosong kumpetisyon na itinaguyod ng National Chess Academy of the Philippines (NCAP) sa pakikipagtulungan nina Sen. Koko Pimentel at wife Kathryna Pimentel bilang pag-alala sa yumaong Sen. Nene Pimentel.

Bagamat kapareho ng score ni Julius Gonzales, wagi pa din si Laylo dahil sa mas mataas na tiebreak score sa nine-round tournament, na nilahukan ng 146 participants sa Open category.

Ang 44-year-old pride ng Barangay San Roque, Marikina, na tinanghal na GM nung 2007, ay nanalo sa kanyang unang anim na laro laban kina Rayne Maniacup, Ferdinand Bonifacio, Ferdinand Paet, Raffy Lobitana, Carlo Caranyagan, at Gonzales.

Matapos nito, tabla si Laylo kina AGM Jan Roldan Oriendo, Noel Geronimo and AFM Mark Kenneth Lomio

Iniuwi ni Laylo ang top prize na P20,000 at trophy sa event na sinuportahan din ng Philippine Sports Commission at Ayala Malls Feliz.

Pumangalawa si Gonzales sa kanyang pitong panalo, isang tabla at isang talo.

Anim na players — Noel Geronimo, Carlo Caranyagan, Ruel Sto. Domingo, Kyz Llantada, Marc Kenneth Lomio, at Tristan Jared Cervero — ang naghati sa third hanggang eighth places na may seven points.

Samantala, si Oriendo at limang iba pa ay may 6.5 points.

Sa kiddies division, nanguna si Princess Nenita Gonzales ng Marikina Heights sa kanyang 8.5 points sa walong panalo at isang tabla.

Pumangalawa si top seed Adrian Alarcon ng Concepcion I, na may walong puntos sa walong panalo at isang talo.

Kasunod nila sina Keira Alexandria Aviso, Magnus Hendrix Bragais at Leonides Hydan Tendencia, na may 6.5 points.

Kinumpleto ang Top 10 finishers nina Light Maranan, sixth placer; Keandra Amirah Aviso, seventh; Timothy Angelo Sta. Maria, eighth; Kathleen A. Gustilo, ninth; at Keith Angela Balais, 10th.

Nagsilbing tournament director si IA Ricky Navalta, habang chief arbiter sina IA Patrick Lee at NA Ferdinand Reyes.