Discaya Inutusan ng Blue Ribbon Committee Chair Senate President Pro Tempore Ping Lacson si St Gerrard General Contractor President Pacific Discaya ll na kunin sa kanilang bahay ang ledger kong saan nakalista ang mga pangalan ng mga mambabatas at opisyal ng gobyerno na tumanggap ng komisyon sa flood control projects. Kasama niya ang kanyang mambahay si Cezarah Rowena Discaya sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Senado nitong Nobyembre 14, 2025. Kuha ni JOSEPH MUEGO

Ledger ng mga nakakuha ng komisyon sa baha projects pinakuha ng BRC sa Discayas

326 Views

Discaya1INUTUSAN ng Senate Blue Ribbon Committee ang mag-asawang kontraktor na sina Curlee at Sarah Discaya na pansamantalang lumabas ng Senado, kasama ang Sergeants-at-Arms, upang kunin ang kanilang ledger—mga dokumentong sinasabing naglalaman ng pangalan ng mga mambabatas at opisyal ng DPWH na humingi o tumanggap umano ng “commitments.”

Lalo pang naging kritikal ang ledger matapos idetalye ng dating DPWH Undersecretary na si Roberto R. Bernardo ang umano’y bilyong pisong hatian na kinasasangkutan ng pitong mambabatas.

Humingi ng paumanhin si Curlee dahil hindi niya maipakita ang ledger. “Nakakulong po ako sa detention… hindi ko po na-comply, Your Honor,” aniya. Nang tanungin kung bakit hindi ito nakuha ng asawa, sagot niya: “Wala po siyang idea… ako po ang may ka-transaction doon sa ibang mga politician po.”

Pinayagan sila ni Senate President Pro Tempore Ping Lacson na lumabas upang kunin ang mga dokumento.

“Babalik kayo para dalhin ang dokumento, ledger, na nagpapatunay o nagsusuporta sa inyong sinumpaang salaysay na may mga kongresista na may nakatanggap sa inyo… maski sino, lahat,” sabi ni Lacson.

Sa kanyang sinumpaang salaysay, sinabi ni Bernardo na personal siyang naghatid o nag-asikaso ng mga commitment para kina Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr., then-Senator Nancy Binay, Sen. Chiz Escudero, Sen. Jinggoy Estrada, Former Sen. Grace Poe, Congresswoman Mary Mitzi Cajayon-Uy, at Congresswoman Florida “Rida” Robes.

Ayon sa Blue Ribbon Committee, ang ledger ng Discaya ay maaaring tumugma—o sumalungat—sa malalaking alegasyong inilahad ng dating undersecretary.

Binalaan ni Lacson na mahigpit na kailangan ang kumpletong dokumentasyon. “Hindi natin puwedeng pabayaan ang accountability,” aniya.

Isang resource person ang nagpaliwanag na hindi mapipigilan ang pag-alis ng bansa ng mga personalidad hangga’t walang kaso: “A lookout bulletin only checks records but cannot stop departure… Passport cancellation requires cases filed and a court order.” Giit niya, may “cases for flood control projects” na nasa preliminary investigation at iba pa na sinusuri ng DOJ.

Wala pang pinal na hatol laban sa mga pinangalanan sa salaysay at hindi narinig ang kanilang panig sa mga dokumentong iniharap. Sinabi ng komite na isasama ang ledger at lahat ng ebidensya sa isusumiteng record sa Independent Commission for Infrastructure (ICI).