Calendar
Leni tutulungan ni PBBM sa pagresonde kay ‘Kristine’
UMAKYAT na sa 77,910 pamilya na katumbas ng 382,302 indibidwal ang naapektuhan ng pananalasa ng bagyong Kristine sa Bicol, Western Visayas, Eastern Visayas at Zamboanga Peninsula.
Ito ay batay sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC dakong 8:00 ng umaga nitong Miyerkules.
Sa nasabing bilang , 12,334 indibidwal o 3,095 pamilya ang pansamantalang naninirahan sa mga evacuation centers habang 364 katao o 96 pamilya ang nasa labas.
Tatlong tao rin ang iniulat na nawawala sa Bicol Region at isa ang nawawala.
Kaugnay nito, sinuspinde rin ang operasyon ng 34 pantalan sa Calabarzon , Mimaropa , Bicol , Central Visayas at Eastern Visayas .
Dahil sa suspensiyon, 4,753 pasahero, 703 rolling cargoes, 26 vessels at 13 motorized bancas ang na-stranded sa iba’t ibang pantalan.
Umabot na rin sa 602 lugar ang nagsuspinde ng klase at 164 lugar sa iba’t ibang panig ng basa ang nagkansela ng trabaho dahil sa hagupit ni Kristine.
Sa ngayon, nasa P169,685 halaga ng tulong ang naipamahagi na ng pamahalaan sa mga apektado ng bagyo.
Samantala, agad na magpapadala ng tulong si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga residente ng Bicol region na apektado ng bagyong Kristine.
Tugon ito ni Pangulong Marcos sa panawagan ni dating Vice President Leni Robredo na humihingi ng tulong partikular na ang rubber boats dahil karamihan sa mga barangay sa Naga City at iba pang bahagi ng Bicol region ang lubog sa baha dahil sa bagyo.
“As soon as we can get in. As soon as makapasok kami, we will be doing that. And we are now beginning to marshal our assets, like for example, rubber boats. Hanggang Mindanao kukunin na muna namin at dadalhin namin dito sa area ng pangangailangan,” pahayag ni Pangulong Marcos.
“So, as soon as we can, we will go in. As soon as we can. Kung kailangan – hindi naman mailipad ng helicopter ‘yun. So, kailangan talaga – kailangan truck ang magpapasok. Oo. So, as soon as mag-clear,” dagdag ni Pangulong Marcos.
Aminado si Pangulong Marcos na walang magagawa ang pamahalaan sa bagyo kundi ang maging handa at alerto.
“So, wala, wala tayo… We are at the mercy of the weather as we always are. So, we will just have to wait for the true effects of this Typhoon Kristine,” pahayag ni Pangulong Marcos.
Sinuspindi ng Palasyo ng Malakanyang ang trabaho sa lahat ng tanggapan ng gobyerno sa buong Luzon Oktubre 23 dahil sa patuloy na pananalasa ng bagyong Kristine.
Samantala, patuloy na nakatutok ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa pagtulong sa mga indibidwal na naapektuhan ng Bagyong Kristine.
Sa Naga Airport, isang mobile phone charging station ang itinayo sa labas ng main gate upang makatulong sa mga nangangailangan ng kuryente para sa komunikasyon.
Bukod pa rito, 43 na indibidwal, kabilang ang apat na pamilya at mga estudyante mula sa Central Bicol State University of Agriculture (CEBSUA), ay binigyan ng masisilungan sa arrival area sa ground floor ng Passenger Terminal Building (PTB).
Sa Tacloban Airport, ang mga pasahero na nagpasyang manatili sa paliparan ay pinatuloy sa loob ng terminal building at binigyan ng meryenda buong magdamag.
Nananatili ring nakaalerto ang CAAP sa pagtiyak ng kaligtasan, seguridad, at kapakanan ng mga pasahero, habang mahigpit na nakikipag-ugnayan sa iba pang mga ahensya upang magbigay ng mahahalagang serbisyo at tulong sa panahon ng emergency na ito.
Nakadeploy din ang mga tauhan ng CAAP upang pangasiwaan ang mga operasyon sa paliparan at suportahan ang mga apektadong komunidad sa panahon ng Bagyong Kristine.
Ang pamunuan ng PRO 4A ay inalerto sa pananalasa ng bagyong Kristine kasabay sa pagbibigay ng seguridad at tulong sa mga apektadong komunidad kahapon.
Ang mga miyembro ng kapulisan ay nakadeploy sa mga kritikal na lugar upang masiguro ang kaligtasan ng bawat mamamayan, lalo na sa mga flood-prone areas at coastal zones.
“SA PRO 4A ang gusto ng pulis, ligtas ka!,” ayon sa PRO 4A. Chona Yu, Zaida delos Reyes, Jun Legaspi & Gil Aman