Calendar
Libanan hinamon OVP chief of staff na huwag sayangin pagkakataon na maipagtanggol ang sarili
HINIMOK ni House Minority Leader Marcelino Libanan ang chief of staff ng Office of the Vice President (OVP) na si Undersecretary Zuleika Lopez na samantalahin ang pagkakataon na ipagtanggol ang sarili at dumalo sa pagdinig ng Kamara hinggil sa umano’y maling pamamahala ng pondo ng tanggapan sa ilalim ng pamamahala ni Vice President Sara Duterte.
“Normally, individuals who are blameless, when asked to explain, would seize the first available occasion to clear themselves of any wrongdoing,” ayon sa pahayag ni Libanan.
Noong Lunes, apat na opisyal ng OVP ang na-contempt ng House committee on good government and public accountability dahil sa patuloy na hindi pagsipot sa pagdinig.
Hindi nakadalo si Lopez sa pagdinig noong Nobyembre 11, ngunit binigyan ng huling pagkakataon na dumalo sa susunod na pagdinig matapos siyang magpadala ng liham sa komite na nagpapaliwanag na siya ay nasa US upang alagaan ang kanyang maysakit na tiyahin.
Bukod sa contempt citation, ipinag-utos din ng komite ang pagdetine kina OVP assistant secretary at assistant chief of staff Lemuel Ortonio, Gina Acosta, Sunshine Fajarda at Edward Fajarda.
“Their continued nonappearance, without a credible explanation, is bound to reinforce the perception that they are trying to evade responsibility for potential irregularities,” babala ni Libanan.
Sinabi ni Libanan na kakaiba at hindi pangkaraniwan ang paulit-ulit na pagliban ni Lopez at ng apat pang opisyal ng OVP, sa kabila ng mga paulit-ulit na subpoena.
Umalis si Lopez ng bansa noong Nobyembre 4, isang araw bago ang nakaraang pagdinig noong Nobyembre 5.
“If they have nothing to hide, then they should show up at the hearings. They should answer and dispute the allegations of anomalies,” giit pa ni Libanan.