Martin1 Makikitang namimigay si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ng cash at libreng bigas sa 3,000 beneficiaries ng Cash Assistance and Rice Discount (CARD) program sa launching nito sa Linggo ng hapon sa Dugukanan Capitol, Siquijor. Tumutulong kay Speaker Romualdez sina Siquijor Gov. Jake Vincent Villa at Lone District Rep. Zaldy Villa. Kuha ni VER NOVENO

Libreng bigas ni PBBM inihatid ni Speaker Romualdez sa Siquijor

234 Views

BILANG sagot sa pagsipa na naman ng presyo ng bigas, ipinagpatuloy ng Marcos administration Linggo ng hapon sa Siquijor ang programang mamahagi ng pinansiyal na ayuda at libreng bigas para sa mahihirap na Pilipino kasabay ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) kung saan tinatayang 50,000 mga residente ng lalawigan ang nakinabang sa one-stop shop na pagkakaloob ng serbisyo.

Pinangunahan ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez at mga opisyal ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ni Sec. Rex Gatchalian ang paglulunsad ng Cash and Rice Distribution o CARD Program sa Dugukanan at Kapitolyo ng Siquijor bilang bahagi ng BPSF sa nasabing probinsya.

Umabot sa P300 milyon ang benepisyong naipamahagi sa probinsya at P117 milyon dito ay direktang cash assistance.

Sa kautusan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., inihayag ni Speaker Romualdez na umabot sa 3,000 residente ng Siquijor ang nakatanggap ng kabuuang P2,000 ayuda bawat isa kung saan P1,000 mula dito ay naibigay ng P1,000 cash maliban pa sa isang sako ng 25-kilong bigas na nabili sa murang halaga lamang na P1,000 bawat sako.

Binuo ni Speaker Romualdez at DSWD ang programang CARD bilang sagot sa hamon ni Pangulong Marcos na tulungan ang administasyon na mabigyan ang mahihihirap na Pilipino ng libreng bigas at iba pang ayuda sa harap ng inflation sa buong mundo.

“Hindi nawawala ang kanin sa mesa ang bawat pamilyang Pilipino. Hindi kumpleto ang araw natin kung hindi makakain ng kanin. Kaya naman siniguro namin sa Kongreso na makahanap ng pondo para mabigyan ang mga PIlipino ng mura at libreng bigas maliban pa sa ibang ayuda,” paliwanag ni Speaker Romualdez na kinatawan si Pangulong Marcos sa pagkakaloob ng mga programa.

Sinabi ng lider ng Kamara na papel naman ng DSWD na tiyakin na ang listahan ng mga benepisyaryo ay naglalaman lamang ng mga pangalan ng Pilipino na hirap sa buhay at talagang nangangailangan ng ayuda mula sa gobyerno.

“Binuo natin ang programang CARD upang manatiling abot-kamay ang bigas sa ating mga kababayan, partikular dito ang mga matatanda, mga may-kapansanan at iba pang mga sektor na disadvantaged. Ngayong araw, hindi lang kayo tatanggap ng bigas, tatanggap din kayo ng tulong-pinansyal na maaaring gamiting puhunan para sa inyong kabuhayan,” ani Romualdez.

Maliban sa paghahanap ng pondo, patuloy din ang imbestigasyon ng House of Representatives at pagsuyod sa mga palengke para siguruhin na walang artipisyal na pagtaas ng presyo ng bigas dahil sa mapagsamantalang negosyante.

“Batid naman po natin na may mga sektor na sadyang mapagsamantala, at pilit na pagkakitaan ang pangangailangan ng Pilipino sa bigas – bagay na nagdudulot ng artipisyal na pagtaas ng presyo ng importanteng bilihing ito. Maaari naman natin silang habulin at parusahan,” sabi pa ni Speaker Romualdez.

Maliban sa CARD program, inilunsad din ni Speaker Romualdez sa Siquijor ang iba pang programang binuo ng House of Representatives at DSWD para mapalawak ang serbisyo ng gobyerno at pagbibigay ng ayuda sa mga PIlipino.

Kabilang dito ang ISIP (Integrated Scholarships and Incentives Program) para sa mga kabataan kung saan 2,000 estudyante ang nakinabang at SIBOL (Start-up Incentives, Business Opportunities and Livelihood) Program para sa 3,000 katao na gustong magtayo ng maliit na negosyo.

Umabot sa P10 milyon ang pondong inilaan ng pamahalaan para sa ISIP at SIBOL na mga programa.

Tinatayang 50,000 residente ng Siquijor ang dumalo sa Serbisyo Fair at naging benepisyaryo ng iba’t-ibang serbisyo at ayuda mula sa gobyerno.