Calendar

Libreng biyahe ng mga Pinoy sa Thailand, nauuwi sa scam hubs sa Myanmar
GAMIT ang libreng biyahe abroad, maraming Pilipino ang diumano’y nabibiktima ng human trafficking.
Ito ang nabunyag sa isang pagdinig ng subkomite ng Senado nitong Martes, kung saan isiniwalat na gumagamit ang human traffickers ng pekeng travel promotions upang linlangin ang mga Pilipino at dalhin sila sa scam hubs sa Myanmar.
Sa nasabi rin na pagdinig na isinagawa ng Senate Committee on Justice and Human Rights at Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality na pinamumunuan ni Senador Risa Hontiveros, nadiskubre ang operasyon ng trafficking networks na ito. Lumabas sa imbestigasyon na maraming biktima ang pinaniwalaang nanalo ng libreng biyahe patungong Thailand, subalit matapos dumating sa bansa, ipinuslit sila sa Myanmar upang sapilitang pagtrabahuhin sa cyber scam operations.
“Mayroon pong Pilipino na handa pong magkuwento na sila ay nahikayat lumabas dahil daw nanalo sila ng all-expense paid trip to Thailand. Ngunit ang akala nilang once-in-a-lifetime memory, naging bangungot,” pahayag ni Hontiveros.
Ayon sa kanya, mahigit 100 Pilipino ang kasalukuyang stranded sa Myanmar, kung saan sila ay sapilitang pinagtatrabaho, sinasaktan, at may ilan pang inabuso sa sekswal na paraan.
“I implore the executive, let us do what it takes to bring them home,” dagdag ng senador, habang nanawagan sa mga ahensya ng gobyerno na bilisan ang repatriation ng mga biktima.
Kinumpirma ni Assistant Secretary Francis Ron de Guzman ng Department of Migrant Workers (DMW) na nakapagpauwi na sila ng ilang biktima ngunit marami pa rin ang hindi pa natutunton at patuloy na nasa panganib.
“Since this issue began, we have assisted 172 victims in returning home,” aniya.
Upang mapigilan ang mas maraming Pilipino na mabiktima ng ganitong modus, mas pinaigting ngayon ng DMW ang kanilang public information campaign upang bigyang-babala ang publiko laban sa mga mapanlinlang na travel promotions.
“Ma’am, on the preventive side, we continue to engage at least in the public information campaign para at least ma-prevent yung pag-alis sa mga kababayan natin at huwag mabiktima ng scam o modus na ito,” dagdag ni de Guzman.
Samantala, kinilala rin ni Atty. Arvin Cesar Santos ng Bureau of Immigration (BI) ang hamon sa pagtukoy ng mga biktima bago pa sila makalabas ng bansa.
“We take note of this new modus and we are confident that we will be able to detect possible victims under this new modus,” aniya, habang nangakong paiigtingin ang screening measures sa mga paliparan at pantalan.
Habang ang BI ay nakatuon sa pagpigil ng human trafficking sa departure points, ang Department of Justice (DOJ) naman ay nakikipagtulungan sa mga dayuhang ahensya upang tugisin at papanagutin ang mga nasa likod ng sindikatong ito.
Binigyang-diin ni Hontiveros ang kagyat na pangangailangan ng aksyon ng gobyerno, lalo’t maraming biktima ang dumaranas ng labis na pang-aabuso. May mga ulat na nagpapakita ng sapilitang pagtatrabaho ng mga Pilipino ng hanggang 20 oras kada araw sa online fraud operations, at ang mga tumatangging sumunod ay pinaparusahan nang mabigat.
“The situation of our kababayans in Myanmar is dire. Some of them were raped, some of them are being tortured, and many have no way out,” aniya.
Dahil sa lumalaking presyon mula sa Senado, inaasahang maghihigpit ang gobyerno sa immigration policies at makikipag-ugnayan sa mga bansang apektado upang pigilan ang karagdagang kaso ng trafficking. Nanawagan rin si Hontiveros sa publiko na mag-ingat laban sa mga kahina-hinalang overseas job offers o travel promos na tila “too good to be true.”
“Let us work together to stop these syndicates and bring our people home,” pagtatapos niya.
Matapos ang pagdinig, inihayag ng mga ahensya ng gobyerno ang kanilang mga susunod na hakbang upang sugpuin ang human trafficking at matulungan ang mga na-stranded na Pilipino sa Myanmar.
Pinapalakas ng DMW ang kanilang pagsusuri sa mga job offers at travel promotions upang maiwasan ang panibagong kaso ng trafficking. Ang BI naman ay nagpatibay ng mas mahigpit na seguridad sa mga paliparan at pantalan upang agad matukoy ang mga posibleng biktima bago pa man sila makaalis ng bansa.
Samantala, ang DOJ ay patuloy na nakikipag-ugnayan sa gobyerno ng Myanmar at ASEAN partners upang mapabilis ang ligtas na pagpapauwi ng mga Pilipinong biktima.
Sa patuloy na imbestigasyon at mga pagsisikap na mailigtas ang mga na-traffick na Pilipino, umaasa ang mga senador at mga tagapagpatupad ng batas na tuluyan nang matigil ang lumalalang problema ng human trafficking na patuloy na sumasalanta sa mga Pilipinong naghahanap ng mas magandang oportunidad sa ibang bansa.