LRT1

LRT-1 tigil operasyon sa Dis 3-4

160 Views

PANSAMANTALANG titigil ang biyahe ng mga tren ng Light Rail Transit Line 1 sa Disyembre 3 at 4.

Ayon sa inilabas na anunsyo ng Light Rail Manila Corporation (LRMC), ang operator ng LRT-1, ang paghinto ng operasyon ay bahagi ng muling pagbubukas ng LRT-1 Roosevelt Station.

Sinabi ng LRMC na kakailanganin ang pagsasagawa ng test at trial run para masiguro na walang magiging problema sa Roosevelt station na gagamit na rin ng Alstom signalling system, ang pinakabagong signaling system ng LRT-1.

“We advise our passengers to plan their trips ahead. We assure the public that the upcoming weekend closure with temporary inconvenience will result in long-term benefits for our commuters. In coordination with our private and government partners, it will be all hands on deck to ensure a safe and successful resumption of commercial operations for the full line,” sabi ni LRMC Chief Operating Officer Rolando J. Paulino III.

Kapag walang nakitang problema, target na buksan sa publiko ang paggamit ng Roosevelt station sa Disyembre 5.

Matatandaan na pansamantalang isinagawa ang Roosevelt Station noong Setyembre 5, 2020 para sa pagtatayo ng gobyerno ng Common station o ang Unified Grand Central Station (UGCS) na siyang mag-uugnay sa LRT-1, MRT-3 at MRT-7 para sa mas mabilis na paglipat ng mga pasahero.