LTFRB

LTFRB: Aplikasyon para sa special permit bubuksan Dec. 15

Jun I Legaspi Dec 1, 2024
55 Views

SISIMULAN na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagtanggap ng aplikasyon para sa mga special permit para sa public utility vehicles (PUVs) bilang paghahanda sa pagdagsa ng mga pasahero ngayong Kapaskuhan.

Ipinahayag ni LTFRB Chairperson Teofilo Guadiz III noong Linggo na bubuksan ang aplikasyon para sa mga special permit sa Disyembre 15.

Epektibo ang mga special permit mula Disyembre 20, 2024 hanggang Enero 4, 2025.

“Tulad ng nakagawian, maglalaan tayo ng slots para sa mga special permit upang masiguro na may sapat na PUVs na makapaglilingkod sa ating mga pasahero ngayong holiday,” dagdag pa niya.

Inihayag din ng LTFRB chief na 5,000 slots para sa Transport Network Vehicle Services (TNVS) ang aprubado ng ahensya.

“Iyong special permit ng TNVS, binuksan na natin noong nakaraang linggo at nakapaglaan tayo ng 5,000 bagong units para sa TNVS,” ani Guadiz.

Sinabi ni Guadiz na ang hakbang alinsunod sa mandato ng LTFRB na magbigay ng mahusay at ligtas na pampublikong transportasyon para sa mga pasahero.

Hinimok ng LTFRB chief ang mga pasahero na planuhin ang kanilang biyahe nang maaga at maging maingat upang matiyak ang ligtas at maayos na paglalakbay.

“Mangyaring tangkilikin ang lehitimong pampublikong transportasyon, sundin ang mga safety protocols at iulat ang sobra sa singil, overloading o iba pang paglabag sa aming hotline at channels,” ani Guadiz.