Calendar
LTFRB kumpiyansa transportation modernization bibilis sa ’26 dahil sa digitalization
TIWALA si Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairperson Atty. Vigor D. Mendoza II na mas bibilis sa 2026 ang pagpapaunlad at modernisasyon ng pampublikong transportasyon.
Tinatapos ng LTFRB ang mga proseso para sa malaking digital shift na layong mapabuti ang serbisyo ng ahensya.
Paghahanda ang digitalization sa susunod na henerasyon ng mga Pilipinong techie upang matugunan ang mabilis na pagbabago sa digital na kapaligiran at ang mataas na inaasahan ng publiko.
“Kapag natapos natin ang pagbabagong ito, matutugunan din natin ang matagal nang problema sa mga fixer dahil ang mga online transaction ay magiging direkta, mabilis, maginhawa at mas kaunti ang interbensyon ng tao,” paliwanag niya.
Ang digital transformation ng LTFRB ay sumisimbolo sa mas malawak na layunin ng bansa na gawing moderno at maaasahan ang sistemang pangtransportasyon.
Bilang isa sa mga pangunahing katuwang sa Public Transportation Modernization Program (PTMP) nakikita ng ahensya na mahalagang isabay ang digitalisasyon sa programa.
“Ang digital transformation ng LTFRB ay dapat isabay sa PTMP. Hindi naman magandang tingnan na habang pinag-uusapan natin ang public transportation modernization ay makaluma pa ring sistema ang ginagamit natin sa LTFRB para sa pagproseso ng mga transaksyon sa ahensya,” sabi ni Mendoza.
Kasalukuyan ding ipinatutupad ang online verification ng Certificate of Public Conveyance at Provisional Authority upang mapabilis ang proseso ng aplikasyon, pag-apruba, at paglalabas ng pahintulot para sa mga public utility vehicles (PUVs).
“Kaya habang isinusulong natin ang PTMP, isasabay natin ang ganap na digital transformation ng LTFRB. At umaasa kaming ganap na maipatupad ito ngayong taon,” pagtatapos ni Mendoza.

