Calendar
Problema sa love life, anxiety, depresyon pangunahing problema ng callers sa DOH mental health hotline
UMABOT sa 961 callers ang dumulog sa Department of Health (DOH) Mental Health Hotline sa National Center for Mental Health mula December 21, 2025 hanggang January 2, 2026.
Tumaas ang bilang ng callers nitong December 30, 2025, kung saan problema sa relasyon o love life, anxiety, at depressive symptoms ang pangunahing dahilan ng pagtawag.
Magpapatuloy naman ang surveillance ng kagawaran hanggang January 5 at mananatiling bukas ang mga mental health hotlines.
KASO NG ATAKE SA PUSO, STROKE AT HIKA, TUMAAS
Samantala, nasa 349 ang kabuuang kaso ng non-Communicable Diseases ang naitala ng DOH simula December 21, 2025 hanggang January 2, 2026.
Dalawang daan at lima dito ang nagkaroon ng acute stroke na pangunahing dahilan ng pagkamatay, habang 95 ang nagkaroon ng acute coronary syndrome, samantalang 49 na kaso naman sa bronchial asthma.
Mas mataas ito ng 9% kumpara sa kaparehong panahon ng surveillance noong 2024 patawid ng 2025, na may 319 cases.
Karamihan sa kaso ng acute coronary syndrome ay nasa edad 50 pataas.
Nasa edad 40 hanggang 79 na taong gulang naman ang pinaka-naapektuhan ng acute stroke.
Habang mga batang 0–9 years old ang pinaka-apektado ng hika.

