Calendar
LTFRB: May pagkukulang sa regular maintenanced ng tourist bus na nagliyab sa EDSA
ALINSUNOD sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na tiyakin ang kaligtasan sa kalsada, kinansela ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa ilalim ng pamumuno ni DOTr Secretary Giovanni “Banoy” Z. Lopez, ang Provisional Authority na ibinigay sa operator ng tourist bus na nasunog sa Ortigas Flyover sa EDSA.
Ayon kay LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II, sakop ng kanselasyon ang lahat ng 17 yunit na nakarehistro at pinayagang mag-operate sa ilalim ng LS8 Tourist Transportation Corp.
“Ang Provisional Authority ay isang pribilehiyo na may kaakibat na obligasyon na tiyakin na ang lahat ng yunit ay nasa pinakamainam na kondisyon para sa kaligtasan at kaginhawaan ng publiko,” ani Chairman Mendoza.
“Sa kasong ito, lumilitaw na may mga pagkukulang lalo na sa regular na maintenance ng sasakyan,” dagdag pa niya.
Ang naturang tourist bus ay nasunog noong nakaraang weekend habang bumibiyahe patungong Cavite. Nagdulot ito ng matinding trapiko at pansamantalang pagsuspinde ng operasyon ng MRT-3.
Sa deliberasyon ng Board, binigyang-diin na ang insidente ay maiiwasan sana kung isinagawa ang regular na pagsusuri sa road worthiness ng mga yunit.
Sa desisyon na may petsang Abril 30, ipinahayag ng LTFRB na maaari nitong bawiin ang anumang awtoridad na ito rin ang nagbigay.
“Pursuant thereto, the Board hereby RECALLS and CANCELS the Provisional Authority of the LS EIGHT TRANSPORT CORPORATION, effective immediately upon receipt of this Order,” ayon sa desisyon.
Dagdag pa rito, inatasan ng Board ang nasabing operator, kasama ang mga opisyal, ahente, drayber, at lahat ng taong kumikilos sa ilalim ng kanilang awtoridad, na tumigil at huwag nang mag-operate ng lahat ng yunit na sakop ng Provisional Authority.
Binigyang-diin ng LTFRB na anumang patuloy na operasyon ay ituturing na ilegal o colorum.
Ayon kay Chairman Mendoza, magsilbing aral ang insidente sa lahat ng operator upang tiyakin ang road worthiness ng kanilang mga yunit.
“Malinaw na sa oras na sila ay mag-apply ng awtoridad upang makapag-operate, obligasyon nilang mahigpit na sundin ang mga panukala para sa proteksyon ng kanilang mga pasahero at lahat ng gumagamit ng kalsada,” ani Chairman Mendoza.
“Ang kanselasyon ng Provisional Authority ng operator na ito ay nagsisilbing matibay na mensahe na seryoso kami sa pagpapatupad ng batas at sa pagtiyak na lahat ay susunod sa mga kondisyon kapalit ng kanilang pribilehiyong makapag-operate,” dagdag pa niya.
