LTFRB pinagtibay laban sa mga colorum delivery vehicles

Jun I Legaspi Oct 19, 2026
25 Views

PINAGTIBAY ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), ang batayan ng kampanya laban sa mga colorum na truck-for-hire at iba pang delivery service upang matiyak ang matibay na pagsasampa ng mga kasong kriminal laban sa mga lalabag.

Ayon kay acting LTFRB Chairman Atty. Greg G. Pua, Jr., tututukan ng Law Enforcement Unit ang mga nagsasagawa ng delivery para sa mga online shopping platform nang walang kaukulang permit mula sa LTFRB.

“Pinagtibay na namin ang mga legal na batayan ng kampanya upang matiyak na matibay ang mga kasong isasampa at mapanagot ang mga lalabag,” ani Acting Chairman Pua.

Bilang paghahanda sa operasyon, sumailalim sa reorientation ang mga tauhan ng LTFRB hinggil sa legal na batayan ng pagkumpiska sa mga colorum na sasakyan.

Ayon sa legal opinion ng Department of Justice (DOJ) noong Marso, naaayon sa Konstitusyon ang kapangyarihang ito ng LTFRB at sinusuportahan ng mga desisyon ng Korte Suprema.

Kabilang dito ang kasong Republic of the Philippines v. Maria Basa Express Jeepney Operators and Drivers Association, Inc., na kumilala sa bisa ng Joint Administrative Order No. 2014-01 at awtoridad ng LTFRB na hulihin ang mga colorum na sasakyan.

“Bagama’t walang tahasang kapangyarihan ang LTFRB sa ilalim ng umiiral na batas na kumpiskahin ang mga colorum na sasakyan, nakabatay ang awtoridad nito sa Joint Administrative Order No. 2014-01, na kinilala ng Korte Suprema bilang wasto at naaayon sa Konstitusyon,” ayon sa Legal Opinion na nilagdaan ni DOJ Secretary Fredderick Vida.

Nagbabala rin si Pua sa mga operator ng colorum na delivery service na maaari lamang mailabas ang mga nakumpiskang sasakyan sa pamamagitan ng utos ng korte, kahit nabayaran na ang multa.

Nagkakahalaga ng P200,000 kada unit ang multa sa pagpapatakbo ng colorum na sasakyan.

Maaari itong umabot sa P2 milyon kapag nilabag ang batas na nagbabawal sa dayuhang pagmamay-ari ng mga serbisyong pangtransportasyon.

Maaari ring makulong nang hanggang 12 taon ang mga operator at driver na mapatunayang lumabag, alinsunod sa Republic Act No. 11659, na nag-amyenda sa Commonwealth Act No. 146 o Public Service Act.

Inaasahang ilulunsad ng LTFRB ang mas malawakang operasyon laban sa mga colorum na delivery service matapos makumpleto ang talaan ng mga delivery partner ng hindi bababa sa limang kilalang online shopping platform, kabilang ang Lazada at Shopee.

Tiniyak ni Pua na handa ang LTFRB na tulungan ang mga operator na gawing legal ang kanilang operasyon.