Calendar
PH kinilala bilang Asia’s Leading Dive Destination sa ika-8 magkakasunod na taon
KINILALA ang Pilipinas sa ikawalong magkakasunod na taon bilang Asia’s Leading Dive Destination sa World Travel Awards (WTA) Asia, Oceania & Indian Ocean Gala Ceremony 2026, na ginanap sa CROSSROADS Maldives noong Linggo.
Nagwagi rin ang bansa sa limang iba pang mahahalagang kategorya, kabilang ang Asia’s Leading Beach Destination 2026 sa ikasiyam na pagkakataon at Asia’s Leading Island Destination 2026 sa ikatlong magkakasunod na taon.
Pinanatili ng Boracay ang titulo nito bilang Asia’s Leading Luxury Island Destination 2026 sa ikatlong sunod-sunod na taon, habang kinilala naman ang Department of Tourism (DOT) bilang Asia’s Leading Tourist Board 2026 sa ikaapat na pagkakataon.
Nakamit ng Lungsod ng San Fernando, Pampanga ang titulong Asia’s Leading Cultural City Destination 2026, na siyang unang panalo ng Pilipinas sa nasabing kategorya. Binibigyang-diin ng pagkilalang ito ang mayamang pamana, mga tradisyon, sining at likhang-kamay, mga putahe, at mga kapistahan ng lungsod, kabilang na ang Giant Lantern Festival.
Gamit ang momentum mula sa mga pagkilalang ito, nais naming lalong patatagin ang diving bilang isa sa mga pangunahing produkto ng turismo sa Pilipinas para sa 2027.
Nangangahulugan ito ng pagpapabuti sa akses at logistik patungo sa ating mga dive destination at pagpapalakas ng mga promosyong nagtatampok sa natatanging yaman-dagat at likas na kagandahan ng ating bansa.
Kasabay nito, patuloy kaming magsisikap na tiyakin ang kaligtasan at seguridad ng mga lokal at internasyonal na manlalakbay, habang namumuhunan sa pagsasanay at edukasyon ng ating mga tourism frontliner sa ating mga dive at beach destination.
Layunin naming gawing mas ligtas, mas madaling marating, at mas maginhawa para sa mga manlalakbay ang karanasan sa diving at iba pang aktibidad sa tubig, sa pamamagitan ng mas mahusay na serbisyo at mas maayos na koneksyon sa pagitan ng mga destinasyon,” pahayag ni Tourism Secretary Dita Angara-Mathay.
Nag-uwi rin ang mga kinatawan ng industriya ng turismo sa Pilipinas ng siyam na parangal sa antas-Asya, sa pangunguna ng flag carrier ng bansa na Philippine Airlines, na kinilala bilang Asia’s Leading Cultural Airline.
Kinilala ang Savoy Hotel Manila bilang Asia’s Leading Airport Hotel, habang ang Amanpulo at Discovery Primea naman ay hinirang bilang Asia’s Leading Private Island Resort at Asia’s Leading Business Hotel, ayon sa pagkakasunod. Kabilang sa iba pang mga nagwagi mula sa Pilipinas ang Admiral Hotel Manila – MGallery (Asia’s Leading Design Hotel); Ascott Bonifacio Global City Manila (Asia’s Leading Serviced Apartments); City of Dreams Manila (Asia’s Leading Casino Resort); Fili Hotel Bridgetowne (Asia’s Leading New Luxury Hotel Development Project; at Okada Manila (Asia’s Leading Entertainment Resort).
Itinatag noong 1993, kinikilala ng World Travel Awards ang kahusayan sa mga pandaigdigang industriya ng paglalakbay, turismo, at hospitality sa pamamagitan ng mga parangal sa antas-rehiyonal at pandaigdigan. Ang mga nagwagi sa rehiyonal na antas ay uusad sa WTA Grand Final, kung saan makakalaban nila ang mga nagwagi mula sa iba pang rehiyonal na kompetisyon para sa mga kategoryang pandaigdigan (World categories).
