Madrona

Madrona pinapurihan ang planong pagtanggal sa travel tax ngayong taon

Mar Rodriguez Aug 23, 2026
453 Views

PINAPURIHAN at ikinagalak ng chairman ng House Committee on Tourism na si Romblon Lone District Rep. Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona ang naging pahayag ni Senate President Sherwin Gatchalian na target ng Senado na maipasa ngayong taon ang panukalang batas na nag-aalis sa travel tax.

Ayon kay Madrona, magandang balita ito para sa milyun-milyong Pilipinong bumibiyahe sa ibang bansa lalo na sa mga pamilyang matagal na nag-iipon para matupad ang kanilang pangarap na makapagbakasyon o mabisita ang kanilang mga kamag-anak at kaibigan sa abroad.

“Ang pahayag ng ating mabuting Senate President ay magandang balita sa milyun-milyong kababayan nating bumibiyahe sa ibang bansa,” sabi ni Madrona.

Sinabi ng beteranong kongresista na para sa maraming Pilipino, ang paglalakbay sa ibang bansa ay isang pangarap na nakakamit lamang matapos ang matagal na pag-iipon mula sa kanilang kita.

Para kay Madrona, malaking tulong ang tuluyang pag-aalis sa travel tax upang mas maging abot-kaya ang paglalakbay ng mga Pilipino.

Batay sa datos ng Department of Tourism (DOT), nasa 7.6 milyon Pilipino ang bumiyahe sa ibang bansa noong 2025.

Nauna rito, ipinasa na ng Kamara de Representantes sa pamamagitan ng malaking boto ang House Bill No. 8464 o ang panukalang “An Act Abolishing the Travel Tax” noong Marso 16, 2026.

Ayon sa panukala, aalisin ang kasalukuyang travel tax na P1,620 para sa economy o business-class passengers at P2,700 para sa first-class travelers.

May kabuuang 205 miyembro ng Kamara ang pangunahing may-akda ng panukala, sa pangunguna nina House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III at House Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” A. Marcos.

Inendorso rin ito ng House Committee on Tourism, Appropriations, at Ways and Means na pinamumunuan nina Madrona, Nueva Ecija Rep. Michaela Suansing, at Marikina Rep. Romero “Miro” Quimbo.

Sa isang forum ng Management Association of the Philippines nitong Huwebes, sinabi ni Gatchalian na bibigyang-prayoridad ng Senado ang pag-apruba sa panukalang pagtanggal sa travel tax bago matapos ang taon.

Tinatayang aabot sa P6 bilyon ang mawawalang kita ng pamahalaan kapag tuluyang inalis ang travel tax.

Ayon kay Gatchalian, inaasahang mababawi ito sa posibleng paglago ng sektor ng turismo.

“Ang revenue loss niya, estimate, is almost around P6 billion. We think that it will be offset by the growth in the tourism industry,” wika ni Gatchalian.

Gayunman, sinabi ng Senate President na pinag-aaralan din ng Senado ang posibilidad na dagdagan ang buwis sa ilang produktong alkohol at tabako upang makatulong na mapunan ang posibleng kakulangan sa kita ng gobyerno.

“Mahirap naman mag-pass ng batas na mawawalan ng koleksyon ang gobyerno, wala tayo pampalit,” ani Gatchalian.

Kabilang sa mga pinag-aaralan umano ang mga panukalang buwis sa alak, sigarilyo at vape products.

Samantala, umaasa si Madrona na maisusulong agad ng Senado ang panukala upang tuluyang mapagaan ang gastos ng mga Pilipinong nangangarap at kinakailangang bumiyahe sa ibang bansa.