Calendar
NAIA inisnpeksyon ni Dizon para sa Oplan: Biyaheng Ayos

NAGSAGAWA ng inspeksiyon sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Biyernes, Oktubre 30, ang mga opisyal ng Department of Transportation (DOTr) sa pangunguna ni Transportation Secretary Vince Dizon upang tiyakin ang kaligtasan, seguridad, at kaginhawahan ng mga pasahero ngayong panahon ng Undas.
Bahagi ito ng implementasyon ng OPLAN Biyaheng Ayos: Undas 2026, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na matiyak ang maayos na pagbibigay ng kinakailangang tulong at serbisyo sa mga biyahero sa panahon ng inaasahang pagdami ng mga pasahero ngayong holiday season.
Ayon kay Office for Transportation Security (OTS) Administrator Undersecretary Gilberto DC Cruz, higit pang pinaigting ng ahensya ang mga hakbang sa seguridad at pinalakas ang pakikipag-ugnayan sa mga law enforcement agency at airport operator upang matiyak ang isang nagkakaisa at komprehensibong pagpapatupad ng seguridad sa paliparan.
“Na-activate na natin ang ating Transportation Operations Center upang matiyak ang mabilis at episyenteng koordinasyon sa pagbibigay ng tulong sa ating mga kababayan. Alinsunod ito sa tagubilin ni Secretary Vince Dizon na maramdaman ng mga pasahero ang tunay na seguridad at kaginhawahan sa buong kanilang paglalakbay,” ayon kay Usec. Cruz.
Mahigpit ding minomonitor ng OTS ang implementasyon ng mga security measure sa pamamagitan ng pagdeploy ng mga security auditor sa iba’t ibang transportation facility upang matiyak ang pagsunod sa mga itinakdang pamantayan at ang epektibong paghahatid ng mga serbisyong panseguridad.
Sa pamamagitan ng mga pinaigting na hakbang na ito, nananatiling nakatuon ang OTS sa pangangalaga sa kapakanan ng mga manlalakbay at sa pagtitiyak ng ligtas, maayos, at walang abalang paglalakbay para sa lahat ngayong panahon ng Undas.
