LTO Screen grab mula FB post ni Michael Angelo Apuli Legaspi

LTO: Imbestigasyon Korean nati’l na nanagasa, sanhin ng sunog sa gasolinahan

Jun I Legaspi Nov 3, 2024
42 Views

INIUTOS ni Land Transportation Office (LTO) Chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II ang imbestigasyon laban sa dayuhan na sinagasaan ang motorsiklo ng security guard at kalaunan inararo ang gasoline pump na naging dahilan para masunog ang gasolinahan sa Clark Freeport Zone sa Pampanga noong Oktubre 31.

“We assure the public that we will look into this and impose sanctions. Hindi katanggap-tanggap ito at dapat lang na parusahan ang banyagang ito,” ani Assec Mendoza.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nagtatrabaho sa isang casino sa Clark ang dayuhan at kasalukuyang naka-leave mula pa noong Oktubre 19.

Madaling-araw nang makita ang Koreano na nagmamaneho ng sports utility vehicle (SUV) at sinadyang banggain ang isang motorsiklo na minamaneho ng isang security guard na tinangkang pigilan ang kanyang sasakyan. Hindi nasaktan ang security guard.

Ayon sa Clark Development Corporation, nagsimula ang insidente nang makita ng ibang security guard ang Koreano na nakahubad sa loob ng kanyang sasakyan. Mabilis na pinaandar ng Koreano ang kanyang sasakyan, kaya’t hinabol siya ng mga guwardya.

Matapos banggain ang isang motorsiklo sa harap ng isang hotel sa Clark, tumakbo ang SUV at kalaunan ay na-corner sa isang kalapit na gasolinahan kung saan sinadyang banggain nito ang gasoline pump.

Sa kasalukuyan, ang Koreano ay nasa kustodiya na ng pulisya at nahaharap sa mga kaukulang kaso, kabilang ang attempted homicide.

Ayon kay Mendoza, ang imbestigasyon ng LTO tututok sa pag-alam kung ang 41-anyos na Koreanong driver mayroong Philippine driver’s license.

Bilang bahagi ng due process, iniutos na rin ni Assec Mendoza sa LTO Regional Office Central Luzon na maglabas ng Show Cause Order (SCO) laban sa Koreano at sa rehistradong may-ari ng SUV.