Calendar

LTO naglabas ng SCO sa driver ng minibus na sangkot sa mishap
ALINSUNOD sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na tiyakin ang kaligtasan sa kalsada, naglabas ng Show Cause Order (SCO) ang Land Transportation Office (LTO) sa ilalim ng patnubay ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince B. Dizon laban sa driver ng isang minibus na nasangkot sa aksidente sa Baguio City kung saan 13 katao ang nasugatan.
Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, pansamantalang sinuspinde ang lisensya ng naturang minibus driver sa loob ng 90 araw habang isinasagawa ang imbestigasyon.
“Inatasan na namin ang driver, na residente ng La Union, na isuko ang kaniyang lisensya sa lalong madaling panahon. Pormal na magsisimula ang imbestigasyon sa pagdinig na itinakda sa May 20,” ani Asec. Mendoza.
Batay sa paunang ulat na nakuha ng LTO, bumangga ang minibus sa isang motorsiklo at konkretong poste sa may Crystal Cave sa Bekekeng Central, Baguio City noong Mayo 10.
Dahil sa insidente, nagtamo ng sugat ang mga pasahero ng minibus pati na rin ang motorcycle rider.
Sa SCO na nilagdaan ni LTO Intelligence and Investigation Division Chief Renante Melitante, inatasan ang driver na magsumite ng nakasulat na paliwanag kung bakit hindi siya dapat panagutin sa reckless driving.
Pinagpapaliwanag din siya kung bakit hindi dapat bawiin ang kanyang lisensya dahil sa pagiging improper person to operate a motor vehicle.
“Ang kabiguang humarap at magsumite ng nakasulat na paliwanag tulad ng kinakailangan ay ituturing ng Opisina pagwawaksi sa iyong karapatang maipagtanggol ang iyong sarili, at ang kaso ay idedesisyon base sa mga ebidensiyang hawak ng ahensya,” ayon sa nakasaad sa SCO.