Just In

Calendar

June 2025
M T W T F S S
 1
2345678
9101112131415
16171819202122
23242526272829
30  
LTO

LTO nasamsam 65 right hand sasakyan sa Cebu raid

Jun I Legaspi Jun 9, 2025
27 Views

SA utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na paigtingin ang mga operasyon laban sa mga lumalabag sa batas sa kalsada, bumira ang Land Transportation Office (LTO) sa pagsabat sa mahigit 65 imported right-hand drive na sasakyan sa Talisay City, Cebu noong Lunes.

Ang operasyon ay isinagawa sa tulong ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) at sa ilalim ng superbisyon ni Special Envoy on Transnational Crime Ambassador Markus Lacanilao, pati na rin ni LTO chief Asec Atty. Vigor Mendoza II batay sa intelligence report ukol sa ilegal na pagpapatakbo ng isang auto shop sa naturang lungsod.

Ayon kay Asec Mendoza, kabilang si Ambassador Lacanilao sa imbestigasyon dahil sa natuklasang kaugnayan ng mga dayuhang mamamayan sa ilegal na pag-import, pag-aassemble at pagbebenta ng mga right-hand drive na sasakyan.

Sa nasabing operasyon, isang babaeng Peruvian national ang inaresto matapos matukoy na may-ari ng inirereklamong autoshop sa Talisay City.

Nagsasagawa ng operasyon ang LTO laban sa pag-import, pag-aassemble at pagbebenta ng mga right-hand drive na sasakyan matapos matuklasan ang isang tindahan sa Quezon City noong nakaraang buwan.

Matapos ang raid sa Quezon City, tatlong iba pang autoshop sa Davao ang sinalakay at mahigit 40 right-hand drive na sasakyan ang nasabat.

“May koneksyon ang mga tindahang ito. Kaya narito si Ambassador Lacanilao upang masusing siyasatin ang illegal na aktibidad na ito dahil may mga ulat na isang dayuhan ang nasa likod nito,” ani Asec Mendoza.

Sa paunang imbestigasyon, natuklasan na inimport ang mga right-hand drive na sasakyan at saka ini-assemble sa bansa bago ito ipinagbibili.

Inatasan din ni Asec Mendoza ang pagsisiyasat sa isang opisina ng LTO sa Mindanao na pinaghihinalaang nagpakasangkot sa pagpaparehistro ng mga ilegal na right-hand drive na sasakyan.

“Lahat ng nasa likod nito ay mananagot ayon sa utos ng ating DOTr Secretary. Sa ngayon, masinsinang imbestigasyon ang ating ginagawa upang matukoy ang lahat ng sangkot,” pahayag ni Asec Mendoza.

Ayon sa Republic Act 8506, bawal ang pag-import, pagpaparehistro, at paggamit ng mga sasakyang may right-hand steering wheel sa anumang pampubliko o pribadong kalsada.