LTO, parak inaresto 4 suspek sa paggawa, pagbebenta ng pekeng plaka

Jun I Legaspi Jul 15, 2025
318 Views

ARESTADO ang apat na suspek sa umano’y paggawa at pagbebenta ng mga pekeng plaka sa San Ildefonso, Bulacan sa operasyon ng Land Transportation Office (LTO) at Philippine National Police–Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) noong Hulyo 12.

Ayon kay Acting Assistant Secretary at LTO Chief Atty. Greg G. Pua, nagsimula ang operasyon matapos makatanggap ng kumpirmadong impormasyon mula sa Investigation and Intelligence Division (IID) ng ahensya hinggil sa ilegal na gawain ng mga suspek.

“Agad kaming nakipag-ugnayan sa CIDG para ikasa ang operasyon laban sa mga ito, na nagresulta sa kanilang pagkakaaresto at pagkakakumpiska ng mga pekeng plaka,” ani Pua.

“Pinasasalamatan natin ang LTO-IID sa pangunguna ni Renante Melitante, gayundin ang ating mga katuwang sa CIDG, para sa matagumpay na operasyon na ito. Asahan ng publiko na patuloy ang laban ng LTO laban sa ganitong uri ng iligal na aktibidad,” dagdag pa niya.

Kabilang sa mga nakumpiska sa operasyon ang marked money, 51 pekeng plaka, mga makinang pang-imprenta, mga computer unit, isang machine press, apat na cutting machine, vinyl reflectorized film, isang hole machine, 14 tray ng acrylic letters, tatlong acrylic borders at isang cold laminate machine.

Tinatayang aabot sa P400,000 ang kabuuang halaga ng mga nakumpiskang kagamitan.

Kasalukuyang nasa kustodiya na ng CIDG ang mga suspek.