MDSW Iniharap ni Police Lieutenant Colonel.Gilbert Cruz kay MDSW Director Jay Reyes Dela Fuente ang mga kabataan na nasangkot sa viral riot na naganap sa Tondo, Maynila. Kuha ni JONJON C. REYES

Parak, MDSW inaresto mga sangkot sa riot

400 Views

MISTULANG mga basang-sisiw na nasagip ng mga tauhan ng Manila Department of Social Welfare (MDSW) at mga pulis ang mga menor-de-edad na kabataang sangkot sa riot noong Lunes sa Tondo, Manila.

Nawala ang bangis ng siyam na kabataang lumahok sa riot sa pagitan ng Barangay 28 at 32 nang dakpin nina MDSW Director Jay Reyes Dela Fuente, kasama ang mga tauhan ni Manila Police District (MPD) Station 2 Commander P/Lt. Col. Gilbert Cruz noong Martes.

Ayon kay Director Dela Fuente, anim lamang sa kanilang mga ni-rescue ang dinala nila sa Manila Reception and Action Center (RAC) sa Lion’s Road sa Ermita, habang ang tatlo pa na nasa hustong gulang na ay dineretso na nila sa MPD Station 2 para sampahan ng kaukulang kaso.

Kumilos ang pulisya at MDSW nang mapanood ni Mayor Isko Moreno ang naganap na riot na nag-viral pa sa social media noong Lunes ng bago maghating-gabi, kung saan karamihan mga menor-de-edad ang sangkot na malinaw na paglabag sa umiiral na curfew.

“Ang babata niyo tigilan niyo na yang riot. Gagabi-gabihin namin kayo, yung mga menor-de-edad pinapadiretso sa Boystown complex.

Magtatagal kayo dun, matagal ang disposition doon, matagal ang release doon,” sermon ni Dela Fuente sa mga nasagip.

Binalaan din ni Dela Fuente ang mga magulang ng mga menor-de-edad na lumahok sa riot na pati sila’y mahaharap sa kaso sa oras na maulit ang pagpapabaya nila sa mga anak. Nina EDD REYES at JONJON REYES