Traysikel Ang may-ari ng traysikel posibleng mapatawan ng parusa dahil sa pagkuha ng reckless driver.

LTO pinatawag traysikel driver sa video ng nakasabit na nakahubad

Jun I Legaspi Jun 22, 2025
15 Views

IPINATAWAG ng Land Transportation Office (LTO), sa ilalim ng patnubay ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon, ang may-ari at drayber ng traysikel na nag-viral sa social media dahil sa may sumasayaw ng hubad habang nakasabit sa tricycle.

Natukoy na ng mga pulis ang mga sakay ng traysikel at ang impormasyong nakalap upang maglabas ng show cause order (SCO) ang LTO laban sa drayber at rehistradong may-ari ng tricycle.

Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, inilagay na sa alarma ang Bajaj Re Compact 4S F tricycle upang maiwasan ang anumang transaksyon lalo na’t ito ay rehistrado bilang pampublikong sasakyan.

“Inatasan din ang drayber na isuko ang kanyang lisensya bago ang itinakdang pagdinig sa Hunyo 25,” ani Asec. Mendoza.

Nag-ugat ang insidente sa video na kuha ng isang motorista kung saan makikitang may hubad na lalaki na nakasabit at sumasayaw habang umaandar ang traysikel.

Kalaunan ay napag-alamang menor-de-edad ang naturang lalaki. Nagpasalamat si Asec. Mendoza sa motoristang kumuha ng video na mahalagang ebidensya sa pagtukoy at pagpapanagot sa mga sangkot.

Posibleng maharap ang drayber sa kanselasyon ng lisensya dahil sa reckless driving at pagiging improper person to operate a motor vehicle.