Calendar

LTO sinuri, tiniyak na maayos, ligtas mga bus ng Solid North
BILANG pagsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na tiyakin ang kaligtasan ng lahat ng gumagamit ng kalsada, sinimulan ng Land Transportation Office (LTO), sa ilalim ng patnubay ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon, ang pag-inspeksyon sa lahat ng pampasaherong bus na pag-aari at pinapatakbo ng Solid North Transit.
Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, isinagawa ang inspeksyon sa Subic, Zambales upang matiyak na ang lahat ng bus ng kumpanya ay maayos at ligtas gamitin, kasunod ng malagim na aksidente sa expressway toll plaza sa Tarlac City noong Mayo 1.
“Mahigit 700 driver, konduktor, at empleyado ng kumpanya ang sumailalim sa mandatory drug testing, at hinihintay namin ang pinal na resulta. Ang roadworthiness inspection na ito ay isa rin sa mga kinakailangan bago sila muling makapag-operate,” ani Asec. Mendoza.
Matatandaang iniutos ni Secretary Dizon ang pansamantalang suspensyon ng operasyon ng lahat ng Solid North Transit buses matapos ang aksidente sa Tarlac City.
Ayon kay Asec. Mendoza, ang mandatory drug testing at vehicle inspection ay dapat magsilbing babala at paalala sa lahat ng kumpanya ng pampublikong sasakyan (PUV) na tiyakin ang pagsunod sa mga regulasyon sa ilalim ng kanilang prangkisa.
Mahigpit ang utos ng ating DOTr Secretary na ipakita sa publiko na seryoso tayo sa pagbibigay ng seguridad sa lahat ng gumagamit ng kalsada,” ani Asec. Mendoza.
“Ito na ang magiging bagong normal—ang pagsasagawa ng random drug tests at roadworthiness inspections,” dagdag pa niya.
Bukod sa PUVs, ipapatupad din ang parehong polisiya sa lahat ng trucking companies.
Samantala, sinabi ni Asec. Mendoza na paiigtingin ng LTO ang kampanya laban sa mga “kamote” motorista** sa pamamagitan ng mas maraming enforcers** na may dalang breath analyzers.