Adiong

Mabilis na rehabi ng Marawi tiniyak ni Adiong

110 Views

NAGSAGAWA ng site inspection at public consultation ang House Committee on Marawi Rehabilitation sa pangunguna ni Lanao del Sur 1st district Rep. Zia Alonto Adiong sa Marawi City upang matiyak na magiging mabilis ang rehabilitasyon sa lungsod.

Kasabay nito ay tiniyak ni Adiong ang pagnanais nina Pangulong Ferdinand “BongBong” Marcos Jr. at Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na matapos sa lalong madaling panahon ang rehabilitasyon.

Kabilang sa binisita ng mga mambabatas ang Temporary and Permanent Shelters, ang initekomendang Bulk Water System, mga nasirang istraktura sa gera sa mga pinaka-apektadong lugar sa lungsod, Golden Mosque, at Rizal Park and Freedom Park ng Marawi.

Layunin sa pagdalaw na personal na makita ang kalagayan ng kinakaharap ng mga bakwit o internally displaced persons (IDPs) at kagyat na pangangailangan upang maisakatuparan ang pagsasaayos sa lungsod.

Sa isinagawang pagdinig na dinaluhan ng mga opisyal ng National Housing Authority (NHA), inatasan ang tanggapan na magsumite ng detalyadong report sa pagkakaroon ng sapat na pansamantala at permanenteng pabahay ng IDPs.

Inusisa rin ni Adiong, kasama ang grupo ng mga mambabatas na tinagurian bilang “Young Guns” na sina Assistant Minority Leader 1-Rider Party-list Rep. Rodge Gutierrez at Committee on Mindanao Affairs Chairman Misamis Oriental 2nd district Rep. Yevgeny Vicente Emano, ang bagong acting general manager ng LASURECO, upang masiguro na maibabalik na ang suplay ng kuryente sa Marawi City.

Kamakailan ay inaprubahan na ng Kamara ang panukalang batas upang maibsan ang ilang problemang pinansyal ng kooperatiba.

Kaugnay naman sa suplay ng tubig, iminungkahi nina Chairperson Adiong, Rep. Emano, at Governor Mamintal Alonto Adiong Jr., ang pakikipag-ugnayan sa Department of National Defense (DND) para sa lokasyon ng bulk water system sa loob ng kampo ng militar bilang pangmatagalang solusyon sa problema sa tubig.

“These issues regarding basic services for the residents of Marawi City are critical,” ayon pa kay Chairperson Adiong.

“The crowning achievement of rehabilitation will be the reintegration of the IDPs back into even the Most Affected Areas. None of this is possible without the restoration of basic services, especially housing, electricity, and water,” dagdag pa ng mambabatas na siya ring assistant majority leader ng Kamara de Representantes.

Tiniyak din ng iba pang mambabatas na miyembro ng “Young Guns” na sina Deputy Majority Leader PBA Party-list Rep. Margarita “Migs” Nograles at Bataan lone district Rep. Geraldine Roman ang suporta sa pagkakaroon ng mga programang pangkabuhayan at pangnegosyo para sa mga kababaihang IDPs ng Marawi City.

Binigyan diin pa ni Chairperson Adiong ang marching order nina Pangulong Marcos Jr., at Speaker Romualdez para sa mabilis at maayos na rehabilitasyon ng Marawi City.

Sinabi pa ni Adiong na ang public consultation at pagbisita sa lugar ay mahalagang hakbang upang matiyak na natutugunan ang mga pangangailangan ng IDPs at maibalik ang dating ganda at kagitingan ng lungsod ng Marawi.

“I am also happy to see the concern and active participation of my House colleagues in the rehabilitation of Marawi. This truly is unity, compassion, and cooperation in its most meaningful form.

The people of Marawi will forever be grateful,” ayon pa kay Chairperson Adiong.