NHA

NHA mas maraming maseserbiyuhang Pinoy matapos pasinayaan RX11 office

Jun I Legaspi Jun 5, 2024
64 Views

PINASINAYAAN ng National Housing Authority (NHA) ang bagong Region XII office building sa Koronadal City, South Cotabato, kamakailan lang, para maserbisyohan pa ang mas maraming Pilipinong nangangailan ng pabahay.

Sa pamamagitan ng liderato ni NHA General Manager Joeben A. Tai, matatagpuan sa Prime Regional Center, Brgy. Carpenter Hill, ang tatlong palapag at modernong gusali na may 1,072 sqm lot area para magbigay ng komportableng espasyo sa 200 na empleyado para magampanan ang kanilang mga teknikal na operasyon at pang-araw-araw na aktibidad.

Higit pa rito, ang bagong opisina ay nagtatampok ng mga pasilidad na sumusuporta sa mga pangangailangan ng Persons with Disabilities (PWDs), at Gender and Development (GAD) tulad ng ramp, breastfeeding at prayer room.

Ang aktibidad ay isang patunay ng dedikasyon ng NHA, kasama ang mga empleyado at opisyal nito, sa pagpapalawak ng mahusay na serbisyo sa pabahay sa mga benepisyaryo at sa pagpapalakas ng pakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan.

Bilang kinatawan ni National Housing Authority (NHA) General Manager Joeben A. Tai, pinangunahan ni Assistant General Manager Alvin S. Feliciano, kasama si Region XII Manager Engr. Zenaida M. Cabiles ang programa. “Maganda ang building niyo, ang hamon lang namin ay mas maganda rin ang magiging serbisyo ninyo para mabigyan ng pabahay ang mas marami pang Pilipino,” sabi ni NHA AGM Feliciano.

Dumalo at saksi rin sa kaganapan sina Cotabato Vice Governor Efren Piñol, Koronadal Mayor Atty. Eliordo U. Ogena at iba pang opisyal at empleyado.

Bukod dito, nagsagawa rin si AGM Feliciano, na kumakatawan kay GM Tai, ng follow-up site visit at imbentaryo ng mga proyektong pabahay tulad ng proposed Himaya Residences sa Brgy. Lagao, General Santos City, Lumakil IP Housing Project, Polomolok, South Cotabato at ang bagong-tayong Koronadal City Ville Resettlement Project sa Brgy. New Pangasinan, Koronadal. Sa kanyang mga pagpupulong kasama ang mga opisyal at kawani, binigyang-diin niya ang tagubilin ni GM Tai sa mahigpit na pagsunod sa mga teknikal na disenyo ng proyekto at propesyonalismo sa lugar ng trabaho.