Calendar
Boga, droga nakumpiska sa rider, backrider
TIMBOG ang armadong rider at angkas niyang drug suspect nang maharang sa checkpoint noong Biyernes sa Las Piñas City.
Arestado ang rider na si alyas “Virgilio,” 49-anyos, nang tangkain pang bumunot ng baril nang makorner sa Diego Cera Avenue, Barangay Zapote, dakong alas-5:55 ng hapon.
Ayon kay Las Piñas Police Chief P/Col. Ricky Neron, bukod sa paninigaw at paghahamon, tinakbuhan pa ng rider at backrider ang checkpoint ng mga operatiba ng Daniel Fajardo Sub-Station 1 kaya hinabol sila ng Tactical Motorcycle Riding Unit (TMRU).
Nakumpiska kay alyas “Virgilio” ang kalibre .45 pistola na may limang bala, at dalawang sachet na naglalaman ng 0.6 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P4,080 ang nasamsam sa angkas niyang si alyas “John,” 20-anyos.
Sasampahan ng mga kasong illegal possession of firearm, paglabag sa Comprehensive Dangerous Drug Act at disobedience to a person in authority ng mga pulis ang mga suspek sa Las Piñas City Prosecutor’s Office.

