CAAP

Workshop isinagawa sa CAAP

Jun I Legaspi Jun 6, 2026
30 Views

CAAP1ISINAGAWA ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang Implementation and Regulatory Oversight of ICAO English Language Proficiency (ELP) requirements workshop noong Hunyo 1–5, 2026 sa Civil Aviation Training Center (CATC) sa Pasay City.

Naganap ang event sa tulong ng ICAO Cooperative Development of Operational Safety and Continuing Airworthiness Programme-Southeast Asia (COSCAP-SEA) at pinagsama-sama ang mga kinatawan mula sa iba’t-ibang Civil Aviation Authorities (CAA) sa Timog-Silangang Asya.

Itinampok sa programa ang mahalagang papel ng mga CAA sa pagbuo ng regulasyon para matiyak ang pagsunod sa pamantayan ng ICAO; pangangasiwa ng mga pagsusulit para sa patas at pare-parehong sistema; at pagpapanatili ng kalidad bilang mekanismo ng kaligtasan sa himpapawid.

Sa pamamagitan ng pagsasanay, napalakas ng mga kalahok ang kanilang teknikal na kakayahan, natugunan ang mga panganib na dulot ng komunikasyon at muling pinagtibay ang layunin na panatilihin ang pinakamataas na pamantayan ng kaligtasan sa himpapawid sa rehiyon.

“Alam nating lahat na ang kaligtasan sa himpapawid ay hindi lamang tungkol sa eroplano, sistema o imprastraktura. Malaking bahagi nito ay nakasalalay sa komunikasyon. Ang ating mga himpapawid ay magkakaugnay, ang ating mga operasyon ay magkakaugnay, kaya’t dapat ding magkaisa ang ating mga pamantayan,” sabi ni CAAP Director General Raul Del Rosario.