pauls

Mabuti na lang nandyan ang PTFoMS

Paul M Gutierrez Mar 8, 2022
521 Views

UNANG araw ng Marso ay muli tayong nagkaroon ng joint press conference ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) at National Press Club upang mabigyan tayo ng update sa naging imbestigasyon sa naging ‘trabaho’ nitong sa Jaime Aquino.

Dito inilahad ni Usec. Joel Egco ng PTFoMS ang mga natuklasan nilang mga pag-aari ni Jaime Aquino na talaga namang nakakapagpataas ng kilay at nakakatawa sa isang banda. Nakakapagtaas ng kilay at nakakapanindig balahibo para malaman na kumita ito ng P30 milyon, ayon na umano sa kaniyang sarili computation, mula sa kaniyang pagbababoy at lending.

Nakakatawa ito dahil sa dami ng dahilan na maaaring gawin ay paano tayo maniniwala na dito mo kikitain ang nasabing halaga samantalang panahon ng pandemya?

Natuklasan din ng PTFoMS ang resort sa Pangasinan na pag-aari umano ni Aquino. At ang mga ito ay inamin mismo umano ni Aquino kay Usec. Egco na nakatanggap pa ng “malulutong” na mura mula dito kay Aquino.

Kami naman po sa NPC ay sinipa na namin sa listahan ng mga miyembro ng organisasyon itong si Aquino, noon pang Pberero 16. At siyempre kami din sa NPC ay nakatanggap ng mga hindi magagandang salita mula dito kay Aquino.

Ganoon talaga kapag may binibisto tayong mga hindi magandang gawain ng mga kasamahan natin sa midya. Sa atin nagagalit at hindi sa kanilang sariling ginagawang kawalang-hiyaan sa ating propesyon. Inuulit po natin hindi po natin kukunsintihin ang ganitong mga gawi sa midya kahit magalit pa sa atin.

Tulad ng alam ng marami, dati po nating “kaibigan” si Aquino at kapag nagpupunta sa NPC ay talagang sa abot ng ating makakaya ay tinutulungan natin. Pero hindi po sa kawalang-hiyaan tumitibay ang pagkakaibigan.

Kaya po ito rin ay nagsisilbing paalala at babala sa mga miyembro ng midya at ating mga miyembro. Huwag na po nating dumihan ang pangalan ng midya at lalo na ang ating organisasyon na matagal na panahon nating nililinis sa mga ganitong klase ng miyembro.

Sa kabilang banda sana ay isipin ng ating mga kasamahan na inilalayo natin sila sa mga problemang gaya nito dahil alam po natin na kapag mali o illegal ang ating ginawa ay naririyan po ang batas na kailangan nating sundin at ipatupad.

Natutuwa din po tayo na napaunlakan din ni Councilor Arkie Yulde ng Lopez Quezon ang nasabing presscon kung saan personal niyang inilahad ang mga paghihirap niya at kaniyang pamilya sa ginawang ito ni Aquino.

Dahil sa pangyayaring ito ay kaniya mismong paniniwala ang problemang ito ang nagpadali sa buhay ng kaniyang mga magulang.

Wala na po sigurong sasakit pa na makulong ka sa kasalanang hindi mo ginawa at mamatayan ng magulang o mahal sa buhay dahil dito.

Ang masakit pa dito ay ang maiwan kayo ng mga inaasahan mong tutulong sa iyo. Sabi nga ni Councilor Yulde, sila lang ng kaniyang pamilya ang magkakasamang humaharap sa mga bintang sa kanila noon.

Mabuti at nakapag-imbestiga ang PTFoMS at mula sa mga ebidensiya ay napalaya si Councilor Yulde at may pagkakataon ngayon na linisin ang kaniyang pangalan at dangal ng kaniyang pamilya.

Kung hindi ay baka hanggang ngayon ay nasa kulungan pa rin ang inosenteng konsehal na ipinahamak ng mamamahayag gaya ni Aquino.

Kaya naman, hintayin natin ang susunod na kabanata dahil ayon kay Usec. Egco nakahanda na silang kasuhan ang kampo ni Aquino at hindi ito gawa-gawang ebidensiya tulad ng kanilang modus na ginawa sa katulad ni Konsehan Yulde.

Abangan.