Madrona

Madrona: Hop-on-hop-off ng DOT “dagdag rekado” sa tourism industry

Mar Rodriguez Feb 23, 2024
202 Views

ITINUTURING ng House Committee on Tourism na mistulang “dagdag rekado” ang inilunsad na proyekto ni Department of Tourism (DOT) Sec. Maria Christina Garcia Frasco para mas lalong paunlarin ang Philippine tourism.

Ito ang ipinahayag ni Romblon Lone Dist. Congressman Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona, chairman ng Committee on Tourism sa Kamara, na maituturing na “additional attraction” o mistulang dagdag rekado ang Hop-On-Off ng DOT upang mas makahikayat ng mga local at dayuhang turista.

Ipinaliwanag ni Madrona na mas makakahikayat ng napakaraming turista ang Hop-On-Hop-Off project o HOHO ng Tourism Department sapagkat ang biyahe nito ay direkta mismo sa iba’t-ibang tourist destinations sa Pilipinas kabilang na dito ang mga Entertainment Hubs na dinayo din ng mga turista.

Ayon kay Madrona, mas pinadadali ng HOHO ang paglalakbay o tour ng mga turista dahil hindi na nila kailangang umarkila ng sasakyan sapagkat ang mismong bus ng HOHO ang magdadala sa kanila sa iba’t-ibang lugar sa Manila at karatig lalawigan na may kaakit-akit na tanawin.

“Mas nagiging convenient ang paglalakbay o tour ng ating mga turista sa iba’t-ibang lugar sa ating bansa. Dahil ang gagawin na lamgn nila ay sasakay sila ng bus at dadalhin na sila sa mga tourist destinations. Kaya ang project na ito ay one of a kind at talagang very unique,” sabi ni Madrona.

Samantala, pinasinayahan ni Madrona ang inauguration at turn-over ceremony kasabay ng isinagawang blessing ng bagong tayong classroom building sa Victorio Sixon Balogo National High School sa Balogo Calatrava.

Sinabi ni Madrona na hindi lamang ang tourism sector ang kaniyang tinututukan. Bagkos maging ang sektor ng edukasyon, kung kaya’t puspusan ang kaniyang pagtutok sa pagpapatayo ng mga school buildings gaya ng VSBNHS para matulungan ang mga estudyante sa kanilang pag-aaral.