Madrona

Madrona pinayuhan mga botante na maging matalino, mapanuri sa pagpili ng tamang kandidato

Mar Rodriguez Feb 18, 2025
34 Views

PINAYUHAN ni Romblon Lone Dist. Rep. Eleandro Jesus “Budoy” Madrona ang mamamayang Pilipino na dapat silang maging matalino sa kanilang pagsusuri tungkol sa mga kandidatong humaharap sa kanila para suyuin ang kanilang boto at suporta.

Ipinahayag ito ni Madrona, Chairman ng House Committee on Tourism, matapos ang pagsisimula ng campaign period para sa mga kumakandidato sa pagka-senador mula sa magkakatunggaling partido kung saan nag-uumpisa pa lamang aniya ang karera ay nagsimula ng magbatuhan ng akusasyon ang magkakalabang kandidato.

Dahil dito, sinabi ni Madrona na dapat maging matalino at mapanuri ang mga botante sa pipiliin nilang kandidato na iluluklok nila sa puwesto sapagkat napakahalaga na ang kanilang iboboto ay totoong naglilingkod sa kapakanan ng mamamayang Pilipino.

Binigyang diin ng kongresista na ang dapat na maging pamantayan at criteria ng mga botanteng Pilipino sa pagpili nila ng karapat-dapat at tamang kandidato ay: 1. May kakayahang ipaglaban ang bansa laban sa paggigipit ng China. 2. Naninindigan laban sa laganap na illegal na droga at 3. Naninindigan laban sa illegal na POGO.

Ipinaliwanag pa ni Madrona na hindi dapat iboto at mailuklok sa puwesto ang mga kandidato na mistulang walang paninindigan para sa bansa partikular na sa usapin ng kasarinlan ng Pilipinas.

Isang halimbawa aniya dito ang issue sa West Philippine Sea (WPS).

Sinabi naman ni House House Deputy Majority Leader at Zambales 1st Dist. Rep. Jefferson “Jay” Khonghun na hindi na dapat suportahan at iboto ng mga Pilipino ang mga personalidad na kialalang kaalyado ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Ayon kay Khonghun, layunin nito na maprotektahan ang bansa laban sa kontrol ng dayuhan. Illegal na droga, illegal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO), criminal syndicates, katiwalian at pang-aabuso sa kapangyarihan.