Pic

Mag-asawa timbog sa P6.8M shabu sa Rizal

136 Views

Pic1Pic2

KAMPO VICENTE LIM, Calamba City, Laguna — Nakumpiskahan ng hinihinalang shabu ang isang mag-asawa Sabado ng gabi sa Brgy. Bilibiran, Binangonan, Rizal, ayon sa report kay PBGen Dominic L. Baccay, Regional Director ng PRO 4A.

Hindi na nakapalag ang mga suspek na kinilalang sina alyas Canapia, 23, obrero at ang misis nitong si alias Junainah, 22, walang trabaho, kapwa residente ng naturang barangay, nang arestuhin ng pinagsanib na pwersa ng Special Operation Unit 4A (PNP-DEG), RDEU 4A, mga pulis ng Binangonan, at PDEA Rizal.

Narekober mula sa posesyon ng dalawa ang 1,000 gramo ng hinihinalang shabu na may tinatayang halaga na ₱6,800,000, ayon sa mga pulis.

Bukod sa droga, nakumpiska rin ang ginamit nilang puting Mitsubishi Xpander na may plakang NLK 3273; itim na bag, cellphone, mga sobre, paper bag, driver’s license, at pasaporte.

Mariing binalaan ni Heneral Baccay, ang mga sindikato na wala silang ligtas sa kamay ng mga alagad ng batas sa rehiyon.

Kasalukuyang nasa kustodiya na ng PNP DEG SOU 4A ang mga suspek habang inihahanda ang patong-patong na kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.