Lacson

Magco-cover up sa Taguig projects may criminal liability

136 Views

BINALAAN ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson nitong Lunes si Public Works Secretary Vivencio “Vince” Dizon na maaaring maharap sa criminal liability ang sinumang magtatakip sa umano’y mga anomalya sa mga infrastructure project sa Taguig City.

“Sabi ko mag-ingat kayo dito. Pag nagko-cover up kayo magiging criminally liable kayo. At the very least, pwede kayong maging accessory after the fact kasi coverup,” ani Lacson sa panayam ng DZBB.

Ayon kay Lacson, tinawagan siya ni Dizon noong weekend. “Very apologetic” umano ang kalihim at sinabing na-“set up” siya nang sabihin niya sa isang Senate finance subcommittee hearing noong Biyernes na walang ghost project sa Taguig.

Dapat na aniyang magsabi ng totoo si Dizon tungkol sa red flags na nakita mismo ng mga inspection team ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa humigit-kumulang 68 proyekto sa Taguig.

“Sinabi ko sa kanya, huwag nyo na itanggi ito kasi nai-submit ko na rin ito sa Ombudsman. Nasa Ombudsman na yan. Mapapahamak kayo pagka nagtakip pa kayo diyan. Magpakatotoo na lang tayo pare-pareho,” dagdag niya.

Tumawag si Dizon matapos ilahad ni Lacson ang “Slope Protection along Taguig River Project,” na may Contract ID 220B0106. Ayon kay Lacson, tatlong lokasyon sa Tacloban City, Leyte, mga 600 kilometro ang layo mula Taguig, ang lumabas sa geotagged photos na kalakip ng billing reports nito.

Batay sa mga rekord na binanggit ni Lacson, P96.5 milyon ang ibinayad ng DPWH para sa proyekto sa St. Timothy Construction Corp. Pag-aari umano ito ng pamilyang Discaya.

Hindi raw isolated ang kasong ito. Ito lang aniya ang pinaka-“brazen” sa ilang kwestyonable at suspected ghost projects sa Taguig na lumabas sa mga site inspection report ng DPWH.

“Yan lang ang hinighlight ko kasi masyadong brazen, kasi (ang photos nakaturo sa lugar na) 600 km away,” paliwanag niya.

Iginiit ni Lacson na hindi pa nila sinasabing ghost ang mga na-flag na proyekto. Pero mali rin aniyang sabihing wala nang ghost project sa Taguig, batay sa mga sagot nina Dizon at Undersecretary Ricardo Bernabe III kay Sen. Alan Peter Cayetano sa pagdinig sa panukalang 2027 budget ng DPWH.

“Hindi natin kino-conclude na ghost ito pero hindi rin nating pwedeng conclude na walang ghost sa Taguig. Isa lang yan. May project na verify nila, hindi nila makita ang proyekto kasi wala sa site, hindi na ma-establish kasi natakpan ng panibagong proyekto,” aniya.

Matapos ang tawag, ipinadala raw ni Lacson kay Dizon ang video ng bahagi ng pagdinig. Makikita umano roon na malinaw na sinabi ni Dizon na walang ghost project, na sinundan ng pahayag ni Bernabe na lahat ng 107 proyekto sa Taguig ay “have accomplishments.”

Ayon kay Lacson, limang DPWH team mula sa Bureau of Quality and Safety, Bureau of Construction, Bureau of Research and Standards at Bureau of Maintenance ang nag-inspeksyon sa Taguig mula Hulyo 23 hanggang 25. Dahil may petsang Hulyo ang mga inspection report, hindi raw niya matanggap ang sinabi ni Dizon na walang ghost project “as of now.”

“So ako naawa sa engineers nila. Kinontradict kayo ng sarili ninyong boss sa trabaho ninyo. Noong tumawag si Sec. Vince sabi niya Sen. Ping nagulat ako sa Taguig na napunta sa Tacloban. Sabi ko nandiyan sa report nyo yan eh,” wika ni Lacson.

Sinabi rin ni Lacson na ipinaalam sa kanya noong Linggo na hindi ma-access ang DPWH website nang subukan ng isang media outfit na i-verify doon ang mga rekord ng proyekto. Nang sabihin niya ito kay Dizon, bumalik umano ang site.

Ibinahagi rin niya na noong Biyernes, nalaman niya kay Senate finance committee chairman Jose Victor “JV” Ejercito na nasa tanggapan ni Cayetano si Dizon bago magsimula ang subcommittee hearing. Abala noon si Lacson sa pamumuno sa hearing ng Committee on Foreign Relations ng Commission on Appointments.

“Tinanong ko si Sen JV, nasaan si Sec. Vince. Nandoon daw sa office ni Sen. Cayetano, naguusap sila,” ani Lacson.

Hindi raw niya inasahan ang categorical denial ni Dizon, kaya kinailangan niyang ipagtanggol ang kanyang posisyon dahil hawak niya ang mga rekord mula sa DPWH.

“Ako naman, siguro naman na-establish ko ang aking credibility. Di ako nagsasalita nang walang resibo. Napaka-mindful ko pagdating sa fact-checking. Ayokong na-fact check ako at napapahiya ako. Di ako mag-e-expose nang di kumpleto ang resibo,” dagdag niya.

Ayon kay Lacson, sinusuri na rin ng kanyang tanggapan ang mga posibleng ghost project na tinakpan umano ng mga bagong proyekto sa parehong lugar. Kasama rin dito ang tinatawag niyang “projects for hire,” kung saan umano’y ipinagagawa ng nanalong bidder ang proyekto sa ibang contractor kapalit ng royalty.

Nauna nang nagsumite sina Lacson sa Office of the Ombudsman ng hindi bababa sa 45 case studies sa umano’y anomalya sa mga flood control project sa Taguig. Ayon kay Lacson, naglunsad na ang Ombudsman ng fact-finding investigation.