bro marianito

Maghanda tayo hindi sa paraan ng pag-iipon ng kayamanan  kundi sa pag-iipon ng napakaraming kabutihan (lucas 12:39-48)

444 Views

“Kayo man ay dapat humanda. Sapagkat darating ang Anak ng Tao sa oras na hindi ninyo nalalaman”. (Lucas 12:40)

MAYROONG isang taong pinaka-mayaman sa buong Pilipinas. Ang pangalan niya ay Mr. Alberto at mayroon siyang driver na ang pangalan ay Tony. Si Tony ay isa lamang sa sampung driver ni Mr. Alberto sapagkat sampu din ang kaniyang mga sasakyan.

Hindi lamang basta mayaman si Mr. Alberto kundi ubod ng yaman. Dahil marami siyang bahay sa iba’t-ibang lugar sa Pilipinas kaya hindi na pino-problema ni Mr. Alberto ang pag-check in sa isang hotel sapagkat kahit saan siya pumunta ay mayroon siyang matutuluyan.

Minsan, tuwing umaga bago magsimula sa kaniyang trabaho bilang driver. Madalas makita ni Mr. Alberto si Tony na nagdadasal sa harapan ng grotto sa kaniyang garden. Nasabi ni Mr. Alberto sa kaniyang sarili: “Itong si Tony, masyadong superstitious”.

Ang sabi pa ni Mr. Alberto patungkol kay Tony. “Hindi naman niya kailangang magdasal, ang kailangan niya ay talino. dasal nga siya ng dasal, pero hindi naman siya matalino, hanggang ngayon driver parin. May magagawa ba ang dasal niya para siya ay tumalino.

Isang umaga, kinausap ni Tony si Mr. Alberto tungkol sa kaniyang panaginip na mamamatay daw mamayang hating-gabi ang pinaka-mayaman sa buong Pilipinas. Ang sabi ni Tony kay Mr. Alberto, “Sir, mag-ingat kayo”. Subalit binalewala lang ito ni Mr. Alberto.

Kahit hindi naniniwala si Mr. Alberto. Pinatawag naman nito ang lahat ng doktor at pinapunta sa kaniyang bahay para siya ay mabantayan dahil baka nga naman magkatotoo ang sinabi sa kaniya ni Tony. Kaya para siya ay makasiguro, andun sa tabi niya ang mga doktor.

Sumapit ang hating-gabi at buhay parin si Mr. Alberto kaya pina-uwi na niya ang mga doktor. Nasabi na naman niya sa sarili na “Itong si Tony, tinakot pa ako, iyan ang nakukuha niya sa kaka-dasal kaya kung ano-ano ang mga naiisip niya”.

Subalit maya-maya lamang, kumatok sa kaniyang pintuan ang anak ni Tony at ibinalita kay Mr. Alberto na ang kaniyang Tatay ay biglang namatay kaninang alas-dose ng hating-gabi. Dito napagtanto ni Mr. Alberto na hindi pala siya ang pinaka-mayaman. Kundi si Tony.

Paano ba natin pinaghahandaan ang pagharap natin sa Panginoon pagdating ng araw? Saan ba natin ginugugol ang ating buhay dito sa ibabaw ng lupa? Ito ba’y inilalaan natin sa pag-iimpok ng napakaraming kayamanan o ang paglalaan ng ating oras para sa Diyos.

Mababasa natin sa Ebanghelyo (Lucas 12:39-48) na nagbibigay babala na ang kamatayan ay tulad ng isang magnanakaw na hindi nababatid ng may-ari ng bahay kung kailan darating. Dahil kung alam lamang niya ang oras ng pagdating nito ay makakapag-handa sana siya. (Verse: 39)

Napaka-simple lamang ng paghahanda na kailangan natin gawin upang tayo ay makapasok sa Kaharian ng Diyos duon sa Langit kagaya ng sinasaad sa Mabuting Balita patungkol sa paghahanda. Isang bagay lamang ang dapat natin gawin.

Ito ay ang maging mabuti sa ating kapwa at maging isang mabuting Kristiyano. Sa madaling salita: Kailangan nating magpaka-bait at sikapin na gumawa ng kabutihan sa araw araw kung nais nating makapasok sa Kaharian ng Diyos o magtamo ng buhay na walang hanggan.

Ang pinaka-magandang paghahanda hindi iyong mag-ipon o mag-impok tayo ng napakaraming kayamanan dito sa lupa. Kundi ang mag-ipon ng napakaraming kabutihan. Dahil pagharap natin sa Panginoon, tayo pala ang pinaka-mayaman sa kaniyang paningin.

Ang mga naipon natin ay hindi naman natin mapakikinabangan sa oras na sumapit na ang takdang araw. Hindi naman iyan ang bibilangin sa atin ng Panginoon. Sa halip, ang bibilangin ng Diyos ay kung ilang kabutihan ang ginawa natin habang tayo’y nasa ibabaw ng lupa.

Ang sabi ng ibang sektang pang-relihiyon na kung nais mong maligtas ay kailangang umanib ka sa kanilang grupo. Ngunit hindi naman talaga ang relihiyon ang magliligtas sa kaluluwa ng isang tao kundi ang malalim na pananalig at relasyon mo sa Panginoong Diyos.

May mga taong pilosopo na ang katuwiran ay: “Ang masamang damo ay matagal mamatay”. Hindi ba’t lalo pa ngang dapat matakot ang mga taong may ganitong pag-iisip sapagkat kapag sila ay namatay ay siguradong swak na swak sila sa balde (impiyerno) dahil mahirap man o mayaman ay siguradong mamamatay.

Pinapaalalahanan tayo ng Pagbasa na maghanda tayo para sa kinabukasan ng ating mga kaluluwa hindi sa pamamagitan ng pag-iipon ng mga kayamanan dahil hindi naman natin iyan madadala sa ating pupuntahan. Ngayon pa lamang ay simulan na nating mag-impok ng kabutihan.

MANALANGIN TAYO:

Panginoon, nawa’y tulungan mo kaming makagawa ng kabutihan sa araw araw dahil nais namin na ito ang aming maging puhunan para matamo namin ang buhay na walang hanggan. Nawa’y matutunan din namin ang maging kapwa sa mga kapos-palad.

AMEN