Calendar
Maging matatag tayo kapag dumarating ang mga pagsubok sa ating buhay (Mateo 8:23-27)
“At sinabi ni Jesus: “Bakit kayo natatakot, kayong napakaliit ng paniniwala?” Bumangon siya at inutusan ang mga alon at hangin at tumahimik ang lahat”. (Mateo 8:23-27)
SA buhay ng isang tao dito sa ibabaw ng mundo. Hindi talaga maiiwasan ang paminsan-minsang bugso ng unos o bagyo sa kaniyang buhay. Dumarating ang mga pagsubok sa pagkakataong hindi niya ito inaasahan. Subalit sino nga bang tao ang hindi nakakaranas ng mga pagsubok sa buhay?
Maging si Jesus mismo ay hindi rin naging “exempted” o nakaligtas sa mga pagsubok na dumating sa kaniyang buhay. Ang isa sa matinding pagsubok na pinagdaanan ng ating Panginoon ay nang kondinahin siya ng kaniyang sariling mga kamag-anak at pinaratangan siyang nababaliw.
“Nang mabalitaan ito ng kaniyang mga kamag-anak. Lumabas sila para hulihin siya. Sinasabi nga nilang Nababaliw siya”. (Marcos 3:21)
Paano ba natin hinaharap ang mga pagsubok na dumarating sa ating buhay? Minsan, hindi natin kayang hawakan ang mga pagsubok o problema sa ating buhay sapagkat kailangan natin ng aagapay sa atin upang makatawid tayo sa matinding suliranin na pinagdadaanan natin.
Kailangan natin ng isang taong makakatulong sa atin para malagpasan natin ang napaka-laking unos na humagapit sa ating buhay. Katulad ng matutunghayan natin sa kuwento ng Mabuting Balita (Mateo 8:23-27) patungkol sa mga Disipulo ni Jesus na nakaranas ng malaking unos habang sila’y naglalayag.
Kagaya ng mga Alagad sa Ebanghelyo (Mateo 8:26). Minsan, tayo rin ay natataranta at nagpa-panic kapag dumaranas tayo ng mga pagsubok o problema sa ating buhay. Katulad nila, nawawalan din tayo ng tiwala sa Diyos at ang iniisip kaagad natin ay pinababayaan tayo ng Panginoon.
Kapag dumarating ang problema sa ating buhay. Ang kinakailangan natin isipin agad ay kung ano ba ang solusyon sa problemang kinaharap natin. Ang solusyong ito ay walang iba kundi ang Panginoong Diyos mismo sa pamamagitan ng pananalangin natin na ipa-isip nawa sa atin ang mga solusyong dapat nating gawin.
Sa Pagbasa, hindi agad nakita ng mga Alagad ang solusyon (Jesus) na naroon lamang sa kanilang tabi (Mateo 8:24) sapagkat hinayaan nilang lamunin sila ng matinding takot kaya hindi na sila nakapag-isip ng tama. Hinayaan nilang manaig sa kanila ang matinding nerbiyos kaya paano pa nila maiisip ang solusyon?
Hinayaan ng mga Disipulo na ang matinding takot ang kumontrol sa kanila sa halip na mangibabaw sa kanila ang pananampalataya. Nakalimutan nila na kasama nila si Jesus sa panahong hinahagupit sila ng malakas na bagyo. Kaya nasabi tuloy sa kanila ni Jesus na napakaliit ng kanilang paniniwala.
Kagaya ng mga Alagad, nakakalimutan din natin na may Diyos na hindi tayo pababayaan sa gitna ng mga matitinding pagsubok o bagyo na pinagdadaanan natin sa ating buhay. Madali tayong nagpa-panic at ang naiisip natin ay hindi iyong solusyon kundi ang tinatawag na “band aide” solution.
Ano ba ang tinatawag na “band aide solution?” Tulad ng isang band aide na ginagamit sa sugat. Ginagamit din natin ang mga pandaliang solusyon para tayo makatakas sa ating mga problema. Subalit hindi naman talaga nito nasosolusyunan ang ating mga problema bagkos ay mas lalo pa nitong pinalalala.
Hindi ba’t may mga tao ang nalululong sa ipinagbabawal na gamot sapagkat ang katuwiran nila ay tinatanggal nito ang kanilang problema. Hindi naman talaga tinatanggal ng droga ang mga problema, sa halip ay nakakaramdam lamang sila ng pagka-manhid para pansamantalang makaiwas sa mga problema.
Kapag nawala na ang epekto ng droga, gagamit na naman sila para pansamantalang makalimot sa problema hanggang sa paulit-ulit na lamang nila itong gagawin sukdulang tuluyan na silang malulong sa ipinagbabawal na gamot. Ngunit hindi naman talaga nasosolusyunan ang kanilang problema.
Kapag dumarating ang mga pagsubok, problema at bagyo sa ating buhay. Kailangan nating lakasan ang ating loob sapagkat mayroong Diyos na naka-agapay sa atin at nakahandang tumulong sa panahong hinahagupit tayo ng malakas na bagyo. Ang dapat lamang natin gawin ay magtiwala sa kaniya.
Tandaan lamang natin na katulad ng mga totoong bagyo na dumarating sa ating bansa. Ganito rin ang mga problemang nararanasan naman natin sa ating buhay, lumilipas at dumadaan lamang. Kailan ba nagkaroon ng bagyo o typhoon na tumagal ng isang linggo o isang buwan? Hindi ba’t ito’y dumadaan lamang?
Ang napaka-mahalagang tandan natin ay iyong huwag tayong magpasakop o magpa-kontrol sa ating problema. Sa halip ay magpakatatag tayo at hingiin ang tulong at awa ng Panginoong Diyos na maka-alpas tayo sa ating mga suliranin. Ang pananampalataya ang totoong solusyon sa ating problema.
KARAGDAGANG PAGNINILAY:
“Ang paggalang at pagsunod ka’y Yahweh ay pasimula ng karunungan. Ngunit walang halaga sa mga mangmang ang aral at mga saway”. (Kawikaan 1:7)
Bakit ba mahalaga ang pagsunod sa kalooban ng Diyos? Ang pagsunod sa kalooban ng Panginoong Diyos ay nagbubukas ng ating isipan upang malaman natin ang tama. Sapagkat alam natin ang tama sa mali, nagkakaroon tayo ng karunungan na hindi natin gagawin ang mali dahil maaari natin itong ikapahamak.
Nagkakaroon tayo ng karunungan sapagkat kung gagawin natin ang tama ito’y magbibigay ng magandang resulta katulad ng pagsunod sa kalooban ng Diyos, pagsunod sa ating mga magulang, pagmamahal sa kapwa, pagmamahal sa ating mga sarili at iba pang gawang kabutihan.
Gaano man kataas ang pinag-aaralan ng isang tao at gaano man katayog ang kaniyang katungkulan sa buhay. Kung ang ginagawa naman niya ay hindi tama. Matatawag ba siyang marunong? Matalino ba siyang maituturing? Hindi na baleng mababa lamang ang pinag-aralan ang mahalaga ay sumusunod siya sa kalooban ng Diyos. Siya ang totoong marunong.
AMEN