Calendar

Magsasaka namatay sa depression, sakit di sa mababang presyo ng palay
GUIMBA, Nueva Ecija–Itinanggi ng pamilya ng magsasaka na natagpuang patay at nakabigti sa puno sa bayang ito na ang mababang presyo ng palay ang nagtulak sa biktima para magpakamatay.
Ayon sa pamilya, may malalang sakit ang biktima at inaatake ng matinding depresyon kaya marahil nagawang kitilin ang sariling buhay.
“Nagkasakit iyan tapos ilang beses pinatawas at pinagamot tapos hindi siya nakakatulog mabuti, kaya yung sinasabing nalugi dahil sa mababang presyo ng palay o kaya ay mababang ani, hindi po totoo lahat iyan.
Wala naman po kaming bukid, porsyentuhan lang naman po kami at isa sa susunod na buwan ng Abril pa po ang anihan,” paliwanag ng asawa ng biktima.
Nagre-react ang misis sa mga maling kwento na lumabas kamakailan tungkol sa pagkamatay ng kanyang mister na natuklasang nakabitin sa puno sa bukid sa Purok 5, Btgy. Lennec dito.
Sinabi niya na ang kanyang pamilya ay nagpahayag ng pagkabigla at galit nang malaman ang mga balita na nagmumula sa social media at iba pang platforms dahil pawang kasinungalingan at malayo sa katotohanan.
Samantala, sinabi ni Lt. Col. George C. Calauad Jr, hepe ng pulisya, na pinasuri din nila ang veracity ng nasabing mga balita sa pamamagitan ng pakikipanayam sa mga kaanak at nalaman nila na taliwas ito sa mga kumakalat na impormasyon sa social media.