Magsino

Magsino naghain ng resolution sa Kamara na nagbibigay pugay kay Ople

Mar Rodriguez Aug 24, 2023
207 Views

DAHIL sa legacy na iniwan ni Department of Migrant Workers (DMW) Sec. Maria Susana “Toots” V. Ople. Inihain ni OFW Party List. Congresswoman Marissa “Del Mar” P. Magsino ang isang resolution sa Kamara de Representantes na nagbibigay pugay at natatanging parangal para sa namayapang Kalihim.

Inihain ni Magsino ang House Resolution No. 1215 na naglalalyong kilalanin at bigyang pugay ang natatanging serbisyo na ini-ukol ni Ople para sa DMW na pumanaw noong nakalipas na August 22, 2023.

Inilarawan ni Magsino si Ople bilang isang social activist na walang tigil sa kaniyang pagsisikap at pagsusulong nito sa interes at kapakanan ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs). Kung saan, kabilang sa kaniyang legacy o iniwang pamana ay ang abolition o pagbubuwag sa contractualization.

Sinabi ni Magsino na ipinaglaban din ni Ople ang pagkakaroon ng maayos na employment para sa mga manggagawa partikular na ang mga nasa tinatawag na “marginalized sector” ng Lipunan.

Ayon sa kongresista, para maipagpatuloy ng namayapang Kalihim ang adbokasiya ng kaniyang ama na si dating Senator Blas F. Ople, itinayo nito ang Blas Ople Policy Center (BOPC) na tumutulong sa mga “distressed” OFWs sa iba’t-ibang parte ng mundo na nahaharap sa mga problema.

“Bago pa man kami pumasok sa pagiging lingkod-bayan. Kaagapay na natin si Sec. Toots sa pagpapalawak ng adbokasiya para sa kapakanan ng ating mga OFWs at ilang beses na kaming magkasamang nakipaglaban para sa ating mga migrante. Napakataas ng pagkilala ko Kay Sec. Toots dahil sa kabuuan ng loob niya at serbisyo at integridad sa kaniyang pamumuno,” sabi ni Magsino.

Sinabi naman ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Region 3 Regional Director Atty. Falconi “Ace” V. Millar na malaking kawalan si Ople sa hanay ng mga OFW at Migrant workers. Sapagkat siya ang nagsisilbing tagapagtanggol nila sa panahon na sila ay nahaharap sa mabibigat na suliranin.