Pontillas Aiza Maizo-Pontillas : Susi sa panalo ng PetroGazz. PVL photo

Maizo-Pontillas nagpasikat sa panalo ng PetroGazz

Theodore Jurado Mar 18, 2022
280 Views

IPINAMALAS ni Aiza Maizo-Pontillas ang kanyang pamatay na vintage form nang igupo ng PetroGazz ang BaliPure, 25-14, 25-20, 23-25, 25-21, upang magandang umpisahan ang kanilang kampanya sa PVL Open Conference kahapon sa Paco Arena.

Isa sa pinakamagaling na opposite spikers ng bansa, nagpakita ang 34-anyos na si Maizo-Pontillas ng solid all-around game na 10 points at 14 digs kung saan bumawi ang Angels sa pagkatalo third set upang mapagwagian ang Group B opener.

Nasa dapithapon ng kanyang makulay na career na tinampukan ng isang UAAP championship para sa University of Santo Tomas, ninanamnam ni Maizo-Pontillas ang bawat sandali sa posible na final run – umaasa na, kung gaganda ang kondisyon, ay makapaglaro siya sa harap ng audience.

“Siguro ini-enjoy ko muna yung this season muna. Hangga’t kaya ko pang maglaro. Hangga’t kaya ko pa, maglalaro at maglalaro ako,” sabi ni Maizo-Pontillas, na kinuha ng PetroGazz mula sa now-disbanded Sta. Lucia sa off-season.

Matindi rin si Grethcel Soltones para sa Angels na may 12 points, 14 digs at 11 receptions, umiskor sina Remy Palma at MJ Phillips ng tig-12 points, habang si Nicole Tiamzon ay nag-ambag ng siyam na kills.

Napalawig ng Water Defenders ang laro nang gumawa si Tiamzon ng attack error.

Nagawa ng BaliPure na magsalba ng tatlong match points bago umiskor si Maizo-Pontillas ng kill para sa PetroGazz na nagsara ng isang oras at 57 minuto na laro.

Pinuri ng nagbabalik na coach na si Jerry Yee, na giniya ang inaugural season ng Angels noong 2018, ang Water Defenders dahil sa kanilang no-quit attitude.

“Maganda ang line-up nila. Lalaban ang mga iyan, definitely mas bata sila,” sabi ni Yee.

Sa kanyang bagong posisyon bilang middle, nagposte si Phillips ng lima sa 12 blocks ng PetroGazz.

Nagtala si Janine Marciano, na naglaro sa BaliPure sa nabuwag na V-League noong 2016 bago magkaroon ng mahabang stint sa Cignal HD, ng 17 points at 10 digs.

Si Gen Casugod naman ay may apat sa pitong blocks ng Water Defenders upang tumapos na may 11 points.