Anti-Rabies ANTI-RABIES, BAKUNA SA MGA BATA LIBRE SA GOV’T HOSPITALS

Malacañang: Libreng anti-rabies, bakuna para sa mga bata sa mga ospital, health center ng pamahalaan

41 Views

PINAALALAHANAN ng Malacañang ang publiko nitong Martes na may libreng anti-rabies vaccination at immunization para sa mga batang may edad 0 hanggang 5 taong gulang sa lahat ng pampublikong ospital at health center ng pamahalaan.

“Sakaling nakagat o nakalmot kayo ng inyong mga alagang aso at pusa—nangangamba sa rabies—libre po ang pagbabakuna sa mga government hospital,” ayon kay Palace Press Officer Claire Castro sa isang press briefing.

Mananatiling seryosong banta sa kalusugan ng publiko ang rabies sa Pilipinas, na may naitalang 426 na pagkamatay noong nakaraang taon.

Bagama’t nakamamatay ang virus kapag lumabas na ang mga sintomas, maaari itong maiwasan sa pamamagitan ng agarang pagpapabakuna matapos makagat o makalmot.

Para naman sa mga nagpapagamot sa pribadong pasilidad, binanggit ni Castro na may iniaalok na animal bite treatment package ang PhilHealth upang makatulong sa gastusin sa pagpapagamot.

Bukod dito, binigyang-diin din niya na ang mga karaniwang bakuna para sa mga bata—tulad ng BCG (tuberculosis), hepatitis B, diphtheria, pertussis, tetanus, polio at MMR (measles, mumps, rubella)—ay libre rin sa lahat ng pampublikong ospital at health centers sa buong bansa.

Hinikayat niya ang mga magulang at tagapag-alaga na dalhin ang kanilang mga anak na may edad 0 hanggang 5 taong gulang sa pinakamalapit na pampublikong pasilidad upang samantalahin ang mga libreng serbisyong ito.