bro marianito

Manalangin vs hamon ng buhay

615 Views

“Sinasabi ko sa inyo, hindi man siya bumangon, dahil sa kanilang pagiging magkaibigan. Babangon siya upang ibigay ang hinihingi ng kaibigan dahil sa pagpupumulit nito”. (Lucas 11:8)

ANG buhay ng isang tao ay punong-puno ng mga pagsubok. Habang tayo ay nabubuhay dito sa ibabaw ng mundo patuloy tayong makararanas ng mga hamon ng buhay na kung tawagin nga natin ay mga pagsubok. Kaya ang laging paalala sa atin ay huwag natin kakaligtaan ang humingi ng tulong sa Panginoon sa pamamagitan ng pananalangin.

Tanging panalangin lamang ang makakasagot at makalulutas sa lahat mabibigat na pagsubok na kasalukuyang nararanasan at pinagdadaanan natin sa buhay. Katulad na lamang ng naging karanasan natin sa panahon ng COVID-19 pandemic.

Dahil sa walang humpay, masidhi at taimtim na pananalangin natin sa Panginoong Diyos. Sa wakas ay dininig din niya ang ating mga dasal dahil kahit papaano ay unti-unti na tayong nakakabangon at nakakabawi mula ng puksain at salantahin tayo ng pandemiya.

Pinatutunayan lamang nito ang kasabihan na “Kung may tiyaga, may biyaya”. Sapagkat ang mga taong nagtitiyaga sa kanilang pananalangin ang higit na pinagpapala at binibiyayaan ng Diyos. Kaya nawa’y huwag tayong hihinto at manghihinawa sa ating mga panalangin sa Panginoon.

Ito ang mensahe ng Mabuting Balita (Lucas 11:5-13) patungkol sa ating masigasig na pananalangin sa Diyos na inilarawan ni Hesus sa pamamagitan ng isang Talinghaga. Tulad ng isang taong nagpunta sa kaniyang kaibigan para humingi ng tulong.

Ipinaliwanag ng Panginoong Hesus sa kaniyang pangangaral na hindi man bumangon ang lalaki upang ibigay ang hinihingi ng kaibigan. Subalit babangon parin ito para ibigay ang hinihingi ng kaniyang kaibigan dahil sa pagpupumilit nito. (Lucas 11:8)

Itinuturo sa atin ng Ebanghelyo na kapag tayo ay nananalangin sa Diyos para hingin ang kaniyang tulong o mayroon tayong personal na kahilingan. Kinakailangan natin ang magtiyaga sa ating mga panalangin at huwag tayong mawawalan agad ng pag-asa.

Ipagkakaloob ng Panginoong Diyos ang ating mga kahilingan sa tamang panahon (In God’s time). Ibibigay din niya ang ating mga ipinagdadasal at minimithi ang kailangan lamang natin matutunan ay ang magtiyaga at maghintay sa sagot ni Lord sa mga dasal natin.

Mayroon ilan sa atin na masyadong nag-aapura at minamadali ang Panginoon na sagutin agad ang kanilang mga dasal. Nais lamang natin maging malinaw na ang kinakausap natin sa ating mga dasal ay ang Diyos at hindi isang ATM Machine o isang Teller sa Banko.

Ang ating Panginoon ay hindi katulad ng isang 3-in-1 coffee na instant na kapag nanalangin tayo ay makukuha agad natin ang kasagutan o kaya ay nasa harapan na natin ang mga bagay na hinihiling natin sa kaniya. hindi madamot ang Diyos lalong hindi naman siya Magician.

Kaya ang sabi ng Panginoong Hesus sa Ebanghelyo ay: “ang bawat humihingi ay tatanggap, ang bawat humahanap ay makakatagpo at ang bawat kumakatok ay pagbubuksan” (Lucas 11:10) sapagkat batid ng Diyos ang ating mga pangangailangan.

Tandaan lamang natin ang isang bagay. Hindi naman ibig sabihin na kahit ito’y kailangan natin o hinihiling natin sa Diyos ay ibibigay na ito agad ng Panginoon sa atin. May mga bagay din na hindi ipagkakaloob sa atin ni Lord kung alam niyang makakasama ito para sa atin.

Halimbawa ay hinihingi natin sa Panginoon na tayo ay maging mayaman. Hindi niya ito ipagkakaloob dahil kilalang-kilala tayo ng Diyos at wala tayong maitatago sa kaniya. Alam na alam niya kapag ginawa niya tayong mayaman. Ito ang magiging dahilan para tayo ay yumabang, maging mapagmataas at manamlay sa ating pananampalataya.

Maaaring kaya hindi kaagad sinasagot ng Panginoon ang ating mga panalangin ay dahil sinusubukan lamang niya ang ating pasenisya kung hanggang saan ba tatagal ang ating pananampalataya at maaaring may ibang panalangin din ang inuuna niyang sagutin.

Baka naman ang ating ipinagdadasal ay hindi naman kasing bigat kumpara sa panalangin ng isang taong may sakit na cancer at may taning na ang buhay at baka naman hindi ito kasing bigat kumpara sa dasal ng isang ina na napariwara ang kaniyang mga anak, mga taong nawalan ng tahanan dahil nasunugan o nawalan ng trabaho.

Bukod sa pagtitiyaga sa ating pananalangin. Marahil ay kailangan din natin matutunan ang umunawa sa Diyos sapagkat ang ating panalangin ay maaaring hindi “urgent” kagaya ng dasal ng mga taong higit ang pangangailangan kumpara sa atin.

Nawa’y matutunan natin ang pagtitiyaga sa ating pananalangin, matiyagang paghihintay sa kasagutan ng Diyos at pang-unawa sapagkat kailangan natin maunawaan na hindi lamang tayo ang mga may pangangailangan kundi may mga tao na mas mabigat pa ang problema sa buhay kumpara sa atin na kahit papaano ay nakakaraos pa.

AMEN