Calendar
Manileno pinayuhang manatili sa bahay dahil kalidad ng hangin sa city ‘unhealthy’
BUMABA ang kalidad ng hangin sa ilang bahagi ng Maynila Sabado ng tanghali batay sa monitoring ng Asia Blue Skies Project.
Sa inilabas na abiso ng Manila Public Information Office (MPIO) apat na air quality stations sa Maynila ang nakapagtala ng mula Unhealthy hanggang Very Unhealthy na mapanganib sa kalusugan ng mga mahihinang sektor ng lipunan at may respiratory disease o may sakit sa baga.
Kabilang sa mga naitalang mababang kalidad ng hangin na nasa kategoryang Unhealthy for Sensitive Groups (UFSG) ang Anda Circle, San Sebastian Residences, at Sta Ana Hospital, habang Very Unhealthy naman ang antas sa Puregold sa Tayuman kanto ng Juan Luna sa Tondo.
Dahil dito, inaabisuhan ng tanggapan ni Mayor Isko Moreno Domagoso ang publiko, lalo na ang mga nasa apektadong lugar, na limitahan ang paglabas at magsuot ng face mask bilang proteksyon laban sa mapaminsalang epekto ng maruming hangin.
Higit na pinapayuhan ang mga bata, nakatatanda, buntis, at mga may sakit sa paghinga tulad ng hika na manatili sa loob ng bahay at umiwas sa matagal na paglalagi sa labas.
Ayon sa tanggapan ng alkalde, patuloy na minomonitor ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila ang sitwasyon upang mapangalagaan ang kalusugan at kaligtasan ng bawat Manileño.
Dapat aniyang manatiling alerto at abangan ang mga susunod na pinakabagong impormasyong ilalabas ng MPIO at tumawag sa Manila City Disaster Risk Reduction Management Department kapag may matinding kagipitan o emergency.

