Calendar
Pampatay sunog sa Navotas landfill ipinadadala ni PBBM
IPINAPADALA ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang lahat ng mga gamit sa Navotas City upang tuluyang maapula ang sunog sa Navotas sanitary landfill, ayon kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon.
Nagtungo sa landfill noong Huwebes kasama sina Navotas City Mayor John Rey Tiangco at Obando Mayor Leonardo Valeda upang suriin ang sitwasyon sa isang linggo nang nasusunog na landfill.
Aminado ang kalihim na ang kritikal sa ngayon ay ang pagdadala ng mga heavy equipment sa lugar dahil hindi makabiyahe ang mga barge na nagsasakay ng kinakailangang dump truck, bulldozer, dredging equipment at iba pa na gagamitin sa pag-apula ng apoy.
“Hindi kasi normal na sunog ito, ang nasusunog dito yung gas, yung methane na nasa ilalim, so kailangan nating i-address yun kasi kung hindi natin ma-address, hindi natin mapapatay itong sunog na ito,” paliwanag ni Dizon.
Tumulong na rin ang mga pribadong sektor tulad ng San Miguel Corporation, Prime Infra Inc., at Asian Shipping Corp. sa pag-apula sa apoy.
Sinabi ni Mayor Tiangco na sa Sabado matatapos na ang kalsadang patungo sa landfill at makakabiyahe na ang mga barge dahil tataas na ang tubig.
Nagpasalamat din sina Mayor Tiangco at Mayor Valeda kina Pangulong Marcos, Jr. at Secretary Dizon sa pagtulong para maapula ang sunog na labis na nakaapekto sa kanilang mamamayan.
