Boga

May boga, granada habang nangha-hunting ng may atraso, arestado

Edd Reyes Apr 17, 2026
39 Views

TIMBOG ang dalawang lalaki na tumutugis sa kanilang dating kasama na nang-onse sa kanila ng matiyempuhan ng mga pulis noong Huwebes sa Caloocan City.

Pumalag at nanlaban pa sina alyas Tom, 40; at Gerry, 36, ng sitahin sila ng mga tauhan ni Caloocan police chief P/Col. Joey Goforth habang hinahanap ang dati nilang kasabwat sa ilegal na gawain sa Brgy. 73 DM Compound pasado alas-9:00 ng gabi.

Nakuha ng mga pulis kay alyas Tom ang isang kalibre .38 na kargado ng bala at kalibre .45 pistola at isang granada naman ang nakumpiska kay alyas Gerry na may mga bala sa magazine.

Ayon sa pulisya, nagresponde sila sa Barangay 73 nang makatanggap ng tawag mula sa concerned citizen kaugnay sa dalawang armadong lalaking gumagala sa kanilang lugar.

Mga kasong paglabag sa RA 10591 (illegal possession of firearms) disobedience to a person in authority at illegal possession of explosive ang isinampang kaso ng pulisya laban sa dalawa.