Calendar

Manok pinugutan ng ulo, namugot inaresto
ARESTADO ang isang Singaporean na namugot ng ulo ng manok na panabong ng kapitbahay niya sa Brgy. Tatalon, Quezon City noong Linggo.
Inireklamo ng game fowl breeder ang 42-anyos na suspek na umano’y nagalit at ibinaling sa manok na wala namang malay sa kanto ng Kaliraya at San Isidro Sts., Brgy. Tatalon, Quezon City.
Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang alas-4:00 ng umaga naganap ang insidente sa harap ng bahay ng biktima.
Batay sa imbestigasyon ni P/SSg Angel T Pascasio III, bago ang insidente, nakipagtalo ang ina ng biktima sa asawa ng suspek hinggil sa naka-post na “for sale” na bahay malapit sa kanila.
Dahil dito, nagalit ang suspek at sinunggaban ang fighting cock ng biktima at pinugutan ng ulo.
Inireport ng biktima ang ginawa ng dayuhan sa mga awtoridad at inaresto ang suspek.
Dinala ang suspek sa Galas police station kasama ang pugot na fighting cock para sa dokumentasyon at tamang disposisyon.