Calendar

Marbil iniutos ang mahigpit na seguridad para sa Semana Santa
BINIGYANG-DIIN kahapon ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Rommel Francisco D. Marbil ang pagpapalakas ng police visibility at iba pang proaktibong hakbang para mapanatili ang kaligtasan ng publiko sa loob at labas ng kanilang bahay ngayong Semana Santa.
Isa ang mga utos na ito sa mga ipinahayag ng hepe ng Pambansang Pulisya sa kanilang command conference sa Camp Crame.
Dumalo sa naturang conference ang mga miyembro ng PNP Command Group at Directorial Staff, habang ang mga direktor ng National Support Units, regional directors, Command Groups at staff, district directors sa Metro Manila, provincial directors, chiefs of police at iba pang key officers ay dumalo sa pamamagitan ng virtual platform.
“Siguraduhin natin ang kaligtasan ng ating mga kababayan. Ipakita natin ang presensya ng kapulisan sa mga checkpoint at chokepoint,” ayon sa PNP chief.
Binanggit niya ang pangangailangan na masusing subaybayan at pigilan ang mga karaniwang krimen tulad ng pagnanakaw at akyat-bahay, lalo na sa mga panahong maraming pamilya ang naglalakbay para magbakasyon.
Inutusan din ni Marbil ang lahat ng yunit ng PNP na ipagpatuloy ang pagpapatupad ng gun ban at paigtingin ang koordinasyon sa mga opisyal ng barangay, tanod at security guards sa mga subdivision at mga komersyal na establisimyento upang maiwasan ang mga potensyal na banta.
Inatasan din niya ang kanyang field commanders na panatilihin ang kanilang transparency sa pag-uulat ng mga krimen.
“Ipakita natin ang totoong datos ng krimen. Kung may pagtaas, mahalaga na aminin natin ito para mas maunawaan natin ang sitwasyon, makapagresponde ng maayos, at makahanap ng mga epektibong solusyon. Ito ang tunay na kahulugan ng serbisyo publiko,” ayon kay Marbil.
Tungkol naman sa isyu ng pangangampanya sa halalan, binanggit ng PNP chief na ang Holy Week ay maaaring magbigay ng pagkakataon para sa pangangampanya dahil maraming tao ang umuuwi sa kanilang mga bayan.
Nagbigay siya ng babala na ito ay maaaring magdulot ng pagtaas ng mga aktibidad na politikal at nanawagan ng pagiging alerto.
Sa pagpapatuloy naman ng election period, binigyang-diin ni Marbil ang pangangailangan ng pagiging mapagmatyag sa mga lugar na may iniulat na karahasan.
Ipinag-utos din niya ang patuloy na paggamit ng mga body-worn cameras o alternatibong mga recording device sa mga checkpoint at chokepoint, upang matiyak ang accountability at seguridad bago at habang isinasagawa ang mga aktibidad sa halalan.
Lubos din niyang pinaalalahanan ang lahat ng miyembro ng PNP na manatiling apolitical kasabay ng pagsasabing may mga ilan na silang kasamahan na inakusahang kasali umano sa mga political campaign at na sinalihan na ng ibang miyembro ng kapulisan.
“Huwag kayong magpagamit sa mga politiko. Manatili tayong apolitical. Nagsisilbi tayo sa mga Pilipino—hindi sa mga interes ng mga politiko,” mariing sinabi ni Marbil.
Tiniyak ng PNP sa publiko ang kanilang buong suporta sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan, lalo na sa panahon ng Semana Santa at sa panahon ng halalan, sa pamamagitan ng pinaigting na presensya ng kapulisan, stratehiya sa operasyon at pagiging propesyonal, ayon sa isang kalatas na pinalabas ni PNP Public Information Office Chief Col. Randulf T. Tuaño.