Pastor Apollo Quiboloy

Marcos admin hinamong madaliin extradition ng FBI wanted na si Quiboloy

179 Views

HINAMON ng isang congresswoman ang administrasyong Marcos na bilisan ang extradition kay Pastor Apollo Quiboloy, na wanted sa Federal Bureau of Investigation (FBI) ng Estados Unidos matapos masangkot umano sa sex trafficking at labor trafficking scheme.

Iginiit ni Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas ang kahalagahan na mabigyang hustisya ang mga umano’y biktima ni Quiboloy, ang lider ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) religious sect na nakabase sa Davao City.

Kapag nag-request, sinabi ni Brosas na dapat agad na tumugon ang gobyerno ng Pilipinas at hayaan si Quiboloy na malitis sa Estados Unidos.

“The government must immediately extradite Quiboloy. Eh anong ginagawa ng DoJ? Kailangan niya harapin itong mga kamal-du mal na kaso na ito,” ani Brosas.

Iniugnay ng FBI si Quiboloy sa labor trafficking scheme kung saan dinadala nito sa Estados Unidos ang kanilang mga miyembro at pinupuwersa na manghingi ng donasyon para sa isang bogus na charity. Ang nalilikom na donasyon ay ginagastos umano ng mga lider ng ka nilang simbahan sa personal na pangangailangan.

Upang manatili sa Estados Unidos, pinipilit umano ang mga ito na magpakasal o kumuha ng student visa para makapagpatuloy sa paghingi ng abuloy.

Sinabi ni Brosas na dapat ding imbestigahan si Quiboloy matapos na sabihin ng abugado ng Sonshine Media Network International’s (SMNI) na hindi siya ang may-ari ng istasyon.

“Hindi pa natin nauungkat kung ano talaga ang role ni Quiboloy diyan sa SMNI when for all you know lahat naman ng tao na familiar sa SMNI eh talagang si Quiboloy ang itinuturo,” punto ni Brosas.

Iniimbestigahan ang House committee on legislative franchises ang SMNI kaugnay ng posibleng paglabag umano nito sa termino ng kanilang prangkisa.

Tinatalakay din ng komite na pinamumunuan ni Parañaque City Rep. Gus Tambunting ang alegasyon ng Makabayan bloc na ginagamit ang SMNI para sa red-tagging at pagpapakalat ng pekeng impormasyon, at ang inere nitong pagbabanta ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kay ACT Teachers Rep. France Castro.

Pinuna naman ni Kabataan Partylist Re. Raoul Manuel ang ginagawang hunger strike ng mga host ng programang Laban Kasama ang Bayan ng SMNI na sina Jeffrey Celiz at Lorraine Badoy.

“Hindi noon mababago o mabubura ang mga masasamang ginawa nila, ang napaka-toxic na mga pananalita na sinambit nila sa matagal na panahon kaya hopefully gumulong na mabilis ang pagpapanagot sa kanila,” sabi ni Manuel.

Ikinulong si Celiz matapos na hindi pangalanan ang source ng kanyang pekeng impormasyon na gumastos si Speaker Ferdinand Martin Romualdez ng P1.8 bilyon kahit na P4.3 milyon lamang ginastos ng Office of the Speaker.

Si Badoy naman ay ikinulong matapos sabihin ng abugado ng SMNI na hindi totoo ang sinabi nito na mayroong advertisement ang kanilang programa ni Celiz.

Iginiit din ni Manuel na hindi pinoprotektahan ng karapatang makapagpahayag ng saloobin ang pagbabanta at pagsisinungaling.

“Mayroon extremes na hindi na pinahihintulutan ng freedom of expression– ang mga death threat, ang magpakalat ng kasinungalingan na sumisira sa bayan,” giit ni Manuel.