OFWs

Marcos: OFWs katuwang sa pagbuo ng Bagong Pilipinas

20 Views

OSAKA, JAPAN — Nanawagan si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na makiisa sa hangarin ng pamahalaan na buuin ang isang Bagong Pilipinas — isang bansang makabago, may pag-asa, at nakatuon sa mas magandang kinabukasan.

Sa kanyang talumpati sa harap ng Filipino community sa Osaka, binigyang-diin ng Pangulo ang malaking papel ng mga OFW sa pag-unlad ng bansa. Inihalintulad niya ang kanilang sakripisyo sa katapangan ng mga bayani ng Rebolusyong Pilipino na lumaban para sa kalayaan ng bansa.

“Tungkulin natin bumuo ng isang kinabukasang karapat-dapat sa ating lahat. Isang bayang pinapanday sa tapang, pag-asa, at pagmamahal – ang isang Bagong Pilipinas,” ayon kay Pangulong Marcos.

Ipinaalala rin ng Pangulo na ang mga kalayaang tinatamasa ng mga Pilipino ngayon ay bunga ng sakripisyo ng mga nauna sa atin, at tungkulin nating ipagpatuloy ang kanilang nasimulan sa pamamagitan ng pakikiambag sa pag-unlad ng bayan.

“Bilang inyong Pangulo, hangad kong mabigyan ang bawat Pilipino ng mas magandang buhay at mas maraming oportunidad,” aniya. “Naniniwala ako na ang tunay na pag-unlad ay nasusukat sa kakayanan ng bawat pamilyang Pilipino na mabuhay ng buo at maginhawa kasama ang kanilang mahal sa buhay sa sariling bayan.”

Tiniyak din ng Pangulo na nagsusumikap ang kanyang administrasyon na lumikha ng mga kundisyong magpapalakas sa kakayahan ng mga Pilipino na umunlad sa sarili nilang bayan.

Kinikilala rin niya ang mga sakripisyo ng mga OFW na kailangang iwan ang kanilang pamilya at komportableng buhay sa Pilipinas upang matustusan ang pangangailangan ng kanilang mga mahal sa buhay.

Binigyang-diin ni Pangulong Marcos na ang kabayanihan ng mga OFW ay nagsisilbing pundasyon ng ekonomiya at nagbibigay-lakas sa maraming komunidad sa bansa. PCO