BBM

Marcos pinasusuportahan PH hosting sa 11th Asian Age Group Championship

Chona Yu Jan 19, 2024
99 Views

HINIKAYAT ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan at pribadong sektor na suportahan ang Pilipinas sa pagiging host sa 11th Asian Age Group Championship.

Gagawin ito sa Pebrero 26 hanggang Marso 9, 2024 sa New Clark City Aquatics Center sa Capas City, Tarlac.

Nabatid na ang Philippine Aquatics, Inc. (PAI) na national sports association for aquatic sports sa Pilipinas ang mag-oorganisa sa kompetisyon.

Nakasaad sa Memorandum Circular No. 43 na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin na inaatasan ang mga tanggapan ng gobyerno pati na ang government-owned or controlled corporations na suportahan ang kompetisyon.

“The hosting of said championship event in the Philippines will bring international prestige, publicity, goodwill, and economic benefits to the country,” saad ng memorandum.

Tampok dito ang mga batang swimmers mula sa Asya.

Una nang sinabi ng PAI na 44 Filipino swimmers– 22 na lalaki at 22 na babae ang sasali sa kompetisyon.

Nasa 1,400 na swimmers mula sa Asya ang lalahok sa kompetisyon.