Calendar

Marcos tiniyak patuloy na pagpapabuti ng serbisyo para sa OFWs
TINIYAK ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga overseas Filipino workers (OFWs) ang patuloy na pagtutok ng pamahalaan sa pagpapabuti ng mga serbisyong magtataguyod sa kanilang kapakanan, mapaalis man sila ng bansa o pauwi para magbakasyon.
Sa kanyang talumpati sa mga Pilipino sa Osaka, binigyang-diin ng Pangulo ang mga inisyatibong naglalayong gawing mas ligtas at marangal ang pagtatrabaho sa ibang bansa, pati na rin ang pagbibigay ng mga oportunidad sa mga OFW na nais bumalik at manirahan sa Pilipinas.
“Sinisiguro po ng ating gobyerno na may sapat na oportunidad na naghihintay para sa OFWs na gustong umuwi at tuluyan nang manirahan sa Pilipinas,” ani Pangulong Marcos.
Bilang bahagi ng pagpapabuti ng serbisyo, binanggit ng Pangulo ang pagtatayo ng OFW Lounge sa mga paliparan upang magkaroon ng komportableng lugar ang mga migranteng manggagawa habang naghihintay ng kanilang biyahe.
“Naglaan tayo ng OFW Lounge sa airport para may lugar kung saan puwedeng magpahinga,” dagdag niya.
Maliban sa pasilidad, isinulong din ng Pangulo ang pagpapatibay ng bilateral labor agreements sa mga bansang tumatanggap ng mga Pilipinong manggagawa upang matiyak ang kanilang kaligtasan at kaayusan sa trabaho.
“Masigasig din ang ating pakikipag-ugnayan… upang matiyak natin na ligtas at makatao ang trabaho,” ani Marcos.
Ang mga hakbanging ito ay bahagi ng layunin ng pamahalaan na bigyang-halaga ang mga OFW bilang “modern-day heroes” ng bansa.